SIYAM na beses nang nagkokontrabida si Thea Tolentino sa telebisyon at sa tanong namin sa kanya kung hindi ba siya napapagod ay hindi naman daw.
“Kasi parang outlet din siya sa mga bagay na hindi mo puwedeng gawin sa totoong buhay.”
Tulad ng? ”Na ano, laging galit,” at tumawa si Thea.
Sa tunay na buhay kasiy’y bihira siyang magalit at hindi siya nang-aapi at nananakit ng ibang tao na tulad ng kadalasang ginagawa niya sa harap ng kamera.
“Nakokonsensiya ako lagi agad.”
Ang mga GMA show na nagkontrabida siya ay ang Anna Karenina, Kambal Sirena, The Half Sisters, Once Again, Hahamakin Ang Lahat, Destined To Be Yours, Haplos, Asawa Ko Karibal Ko, at ang umeere ngayong Madrasta.
Sa Madrasta ay pangalawang beses na niyang gumanap na may anak (una ay sa Asawa Ko Karibal Ko), at walang kaso kay Thea na binibigyan na siya ng mother roles sa mga TV project niya.
“I don’t mind naman! Kasi rito ko rin nae-explore kung paano maging versatile. Hindi naman pwede forever tweetums.
“Puwede pa rin naman akong mag-tweetums, siyempre, pero siguro binibigyan ako ng mother roles kasi sila Jillian Ward, may ka-loveteam na, ‘di ba,” at tumawa si Thea.
Sa tunay na buhay ay dalaga si Thea at 23 years old pa lamang.
Hinuhulma ng GMA si Thea na maging primera contravida balang-araw, at sa Madrasta ay katrabaho ni Thea ang isa sa mga reyna ng mga kontrabida sa Pilipinas na si Gladys Reyes.
Ayon kay Thea, ibang-iba si Gladys sa harap ng kamera at kapag off-cam.
“Sobrang ang kulit! Lagi siyang may baong jokes, tapos sobrang hyper niya at sobrang professional.”
Idolo ni Thea si Gladys, ano ang natutuhan niya mula sa mahusay na aktres?
“’Yung kahit kontrabida, lahat ng ginagawa niya, nanggagaling talaga sa puso niya.”
Si Thea ba ay natsa-challenge pa sa mga ginagampanan niyang contravida roles. ”Natutuwa naman ako na lagi akong binibigyan ng contravida roles and isa sa challenges talaga sa akin is kung paano ko pag-iiba-ibahin talaga ‘yung atake.
“And recently, nakahihiya ako,” at tumawa si Thea, ”pero recently ko lang napanood ‘yung movies ni Meryl Streep.
“’Yung ‘Devil Wears Prada,’ first time kong mapanood and parang gusto kong maging ganoong klaseng kontrabida.”
(ROMMEL GONZALES)