Monday , December 23 2024

Nasaan ang Mindanao sa sining Filipino?

KUMUSTA?

Kapag panitikang Mindanao ang pag-uusapan, Darangen ng mga Maranao agad ang maaalala dahil sa napabilang ito noong 2005 sa Listahan ng Di-nahahawakang Pamanang Pangkultura ng Sangkatauhan ng United Nations Education, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO).

Kapag sayaw Mindanao, singkil ang sasagi sa isip.

Kapag musikang Mindanao, agung o kubing o kulintang ang papasok sa kokote.

Kapag teatrong Mindanao, ritwal at iba’t ibang seremonya ang susunod.

Kapag pelikulang Mindanao, Badjao ang sasapuso kasi nanalo ito ng Pinakamahusay na Direksiyon para sa Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula na si Lamberto V. Avellana sa Southeast Asia Film Festival saTokyo noong 1957.

Kapag estilong Mindanao, dagmay ng Mandaya, ikat ng B’laan, malong ng Maranao at Maguindanao, sarong ng Tausug, at t’nalak ng T’boli ang lulukob sa ating malay.

Kapag arkitekturang Mindanao, torogan ang titiim sa utak.

Kapag sining biswal ng Mindanao, Abdulmari Asia Imao ang unang kikidlat sa ulirat pagkat kauna-unahan siyang Pambansang Alagad ng Sining na tokang — o manggagawa ng Bangka.

Kaya, ang kuwestiyon ay ano o aling Mindanao?

O sino o kaninong sining?

Lumad ba?

Moro ba?

Langyaw ba?

Paano na ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Resil Mojares na inangkin ng Cebu pero, kung tutuusin ay isinilang at lumaki noong 1943 sa Polanco, Zamboanga del Norte?

O ang tumanggap ng Ramon Magsaysay Award, o ang “Nobel Prize ng Asia,” noong 2015 na si Ligaya Amilbangsa na nagpatanyag sa pangalay, isang tradisyonal na sayaw ng Sulu at Tawi-tawi, samantalang siya ay tubong-Marikina?

O ang pasimuno ng Road Map Series (ang folio ng mga panitikan at iba pang likhang-sining mulang Mindanao noon pa pang 1981) na si Tita Lacambra Ayala — ina nina Joey Ayala at Cynthia Alexander – na ipinanganak sa Sarrat, Ilocos Norte?

O ang tagapagtatag ng Sining Kambayoka noong 1974 sa Mindanao State University sa Marawi na si Frank Rivera na isa talagang taal na taga-Paete, Laguna?

O ang “Fashion Czar of Asia” na si Pitoy Moreno na isang Batang Tondo pero siya ang nagdisenyo ng kasuotang Maranaw ng Bayanihan Philippine Dance Company?

O ang nagwagi ng Gusi Peace Prize na si Arch. Felino Palafox Jr., na nagdisenyo’t nagplano ng Grand Mosque sa Cotabato ay Pangasinense?

O ang installation artist ng General Santos City na si Leeroy New na pinasikat ng kaniyang kolaborasyon kay Kermit Tesoro na lumikha ng “muscle dress” ni Lady Gaga para sa MTV niyang Marry The Night?

Ang mga katanungang ito ay lumutang sa kauna-unahang Mindanao Art Fair and Exhibit na binuksan noong 5 Oktubre sa atrium na naging art gallery ng Gaisano Mall sa Davao.

Ito ay matutugunan ng mga nasa 500 pintor at eskultor na sumali mula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

Humigit-kumulang 7,000 katao araw-araw ang dumadalaw para tunghayan at tutukan ng kamera ang 500 obra na sinaksihan din ng Pambansang Alagad ng Sining na si Kidlat Tahimik!

Wala pa rito ang mga sumugod sa kung tawagin ay “satellite” na eksibit sa Art Portal Gallery, Waterfront Hotal Davao, Datu Bago Art Gallery ng Davao City National High School, Morning Light Gallery and Art Shop, Tabula Rasa sa Felcris Centrale, at Mindanao Folk Arts Museum.

Kabilang din dito ang Talaandig Soil Painters ng Bukidnon, Capitol University Museum of Three Cultures ng Cagayan de Oro, Likha-Caraga ng Butuan, at Ateneo de Zamboanga Gallery of the Peninsula and the Archipelago.

Nasundan ito ng kumperensiya sa Philippine Women’s College kung saan pinagsalita ang inyong abang lingkod at iba pang panauhing pandangal gaya nina Atty. Elba Cruz, Pope Dalisay, Riel Hilario, Gerry Leonardo, Leeroy New, Cid Reyes, Dominic Rubio, Jack Teotico, Melissa Yeung-Yap, at Rosalie Zerrudo.

Natupad din ang pangarap na ito ng pintor-eskultor na si Rey Mudjahid Millan o mas kilala bilang “Kublai” na pinili ang temang “Traversing the River of Creativity” katuwang ang editor si Stella Estremera ng Sun Star Davao.

Mula sa grant ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) National Committee on Art Galleries (NCAG), ang Mindanao Art ay nagtagumpay.

Pasok na pasok ito sa paksa ngayong Buwan ng Museo at Galeriya na “Building the Nation, One Exhibit at a Time.”

Napili at nagwagi ang proposal nina Kublai at ng grupo niyang Lawig-Diwa noong Disyembre 2018 at muling nagbabakasakali para sa ikalawang MindanaoArt sa 2020.

Aniya: “Mas maganda kung balikan natin ang nakaraan bago tayo pumunta sa kung saan man tayo papunta.”

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *