NAKATUTUWA ang kuwento ng kilalang chef sa Amerika na iniwan ang Las Vegas para maipatikim ang pinagkakaguluhang Cheez Tart niya kay Aga Muhlach.
Actually, nahilig lang sa pagbe-bake para sa pamilya si Chef Cez Buenaventura hanggang sa nakilala siya thru friends and families.
Ani Chef Cez, una niyang na-bake ang request ng anak niya na chocolate cake.
“Yes she was so excited and she’s five pa lang noon. Hindi naman ako nag-aral talaga ng pagbe-bake. Uma-attend lang ako ng workshop sa States in Las Vegas and New York.
“Kasi mahilig akong magluto kaya hindi ko na kinailangang mag-aral sa real school ng baking. Right now marami na tayong pwedeng i-follow tulad ng Youtube, Facebook etc.,” panimulang kuwento ni Chef Cez nang bisitahin namin siya sa kanyang napakagandang tahanan sa Lipa.
Hindi naman inakala ni Chef Cez na gagawin niyang negosyo ang pagbe-bake dahil nagluluto lang siya para sa kanyang pamilya. “Pag may mga birthday lang talaga (nagbe-bake at nagluluto) like birthday ng anak ko, ng mommy ko, ng iba pang miyembro ng pamilya. Roon na-practice ang baking ko. And then eventually sinabi ng isa kong bestfriend kung bakit hindi ko nga gawing part time business habang nagwo-work ako roon.
“And it’s good nga ‘yung anak ng co-worker ko, birthday nagpapagawa ng little cake puff o cake balls, doon siya nag-umpisa. At cake puffs ang una kong naibenta. Pambata talaga siya at dito nag-start ang aking cake adventure.
“Then sumunod ang brownies, little cupcakes then itong cream puff and then dahil gusto kong magkaroon ng signature pastries, I decided na balikan ang high school recipe ko. Sa Pilipinas ang tawag sa kanya eh cheese cake, and when I was in the States, ginawa ko siyang Cheez Tart,” paglalahad pa ni Chef Cez na ang isang box na naglalaman ng 20 pieces ay nagkakahalaga ng P350. ‘Yung half naman na 10 pieces ay P175.
Puwedeng mag-order ng mga cake niya lalo na ng napakasarap na cheez tart sa online o sa FB—Cez Buenaventura at sa fan page, Chef Cez Pastry House.
Mayroon din siyang masarap na almond meringue (P100)at Angel Cake with Almond.
Mahilig sa matamis si Chef Cez dahil matamis din siyang magmahal. “Very supportive rin ang mahal ko lagi siyang nariyan lang,” ani Chef Cez.
Sa kabilang banda, maraming kaibigang artista si Chef Cez, katunayan naipag-bake na niya su Kuya Boy Abunda. “Way back two years ago ako ang nag-bake ng birthday cake ni Kuya Boy. So far marami na ang nakatikim ng cake ko like Ruffa Gutierrez, Derek Ramsay, Martin Nieverra, Pops Fernandez and Geneva Cruz na good friend ko at kumare ko.
“Cheez tart talaga ang nagustuhan nila. At ang mga produkto ko home made talaga,” pagmamalaki pa ni Chef Cez.
Bukod sa mga cake, masarap ding magluto ng seafood pasta si Chef Cez na siyang madalas i-request ng kanyang mga kaibigan at family. “And also my pork barbeque. Although I can make different cuisine naman like Mexican, Indian. Kung anong i-request sa akin, maluluto ko naman. So far, nagugustuhan naman ng client ko.”
Iginiit pa ni Chef Cez na hindi totoong mahal siyang mag-cater. “Hindi totoo. I can adjust naman. Pwede namang pag-usapan ‘yun.”
At dahil super fan siya ni Aga, gusto niyang ipatikim ang kanyang chez tart sa aktor. “Crush na crush ko si Aga matagal na. Bibigyan ko siya ng chez tart,” excited nitong sabi sa amin.
At kung sakaling i-MMk ang kanyang buhay gusto niyang si Sharon Cuneta ang gumanap dahil, “kamukha ko raw si Sharon, ha ha ha,” masayang pagbabahagi nito. “Si Sharon at si Gabby (Concepcion). Nakita ko nga siya noong nag-show siya sa Anaheim.”
Isa lang ang maipagmamalaki ni Chef Cez sa kanyang cheese tart, “hindi ko tinipid ‘yan sa ingredient.”
At kapag naayos na ang lahat, magtatayo siya ng coffee shop sa Lipa, Batangas kasama ang photography shop ng kanyang asawa.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio