KAPWA mahusay na acting ang ipinakita ng mag-inang Gloria Sevilla at Suzette Ranillo sa Pagbalik (Return).
Bilang si Choleng ay ina si Tita Gloria ni Rica na ginampanan ni Suzette; si Suzette rin ang direktor ng Pagbalik (Maria S. Ranillo).
Ang Pagbalik ay entry sa 2019 Pista Ng Pelikulang Pilipino, na mapapanood simula September13 hanggang September 19, sa mga cinema nationwide.
“Maligaya ako na napasali ang aming pelikula na isang Visayan movie sa PPP,” bulalas ni Tita Gloria.
Ang Pagbalik ang pinakaunang Visayan movie na napasali sa isang local film festival.
Napakasaya ni Tita Gloria na sa wakas ay nabigyan ng pagkakataon ang isang Visayan film na mapasali sa isang film festival.
“Iyan ang dream ko talaga, na mabigyan ng importansiya ang Visayan movies because Visayan movies is a part of Philippine movies.
“Gusto ko may Davao, may Cebu, may Samar and of course, Luzon.
“Kasi sa mga Bisaya maraming mga artistang magagaling of course, buong Pilipinas magagaling ang mga artista natin, may talent sila, hindi tayo nagpapahuli sa mga artista sa ibang bansa.”
Ikinatutuwa rin ni Tita Gloria, na tinaguriang Queen Of Visayan Films, na marami na ngayong film festivals kaya mas lumawak ang sakop ng mga ito sa mga pelikulang Filipino.
Isang maituturing niya na pinakamalaking Visayan Film na ginawa niya ay ang Palad Ta Ang Nagbuot noong 1969 na ang leading man niya ay ang boxing legend na si Gabriel “Flash” Elorde.
“Tapos ini-revive ni Dandin, ang kinuha si Nonito Donaire at saka ang actress from Davao, andoon ako as the mother.”
Noong 2013 ginawa ang remake ng Palad Ta Ang Nagbuot (Our Fate Decides) na ang leading lady ng boxing champ na si Donaire ay si Krissel Valdez, na idinirehe ni Dandin Ranillo na anak ni Tita Gloria.
Hindi naipalabas sa mga sinehan ang remake ng pelikula. “Hindi kami nabigyan ng playdate sa mga theater, eh. Hindi binigyan ng pagkakataon na maipalabas ang aming Visayan movie.”
Sa mga auditorium sa mga eskuwelahan lamang at special screening sa mall sa Cebu naipalabas ang naturang remake.
Umaasa si Tita Gloria na simula na ang Pagbalik para patuloy na mabigyan ng pagkakataon ang mga Visayan movie at hindi lamang tuwing may filmfest.
“Sana, I hope! Na tuwing magkakaroon tayo ng istorya na Visayan movie, I’m very sure mapapasali ‘yan, mga magagandang istorya na may lesson.”
Ang Pagbalik ay magandang kuwento ng tatlong henerasyon ng isang pamilya, tungkol sa tuwa at dusa ng isang OFW (overseas Filipino worker) at ng kanyang ina at anak, at kung paanong hindi dapat pabayaan ang sinumang miyembro ng pamilya, bata man o matanda.
Kasama rin sa pelikula ang baguhang aktor na si Vince Ranillo na pamangkin ni Suzette at apo ni Tita Gloria.
Marami ang pumuri sa Pagbalik, lalo na sa mga eksena nila ni Suzette, na tila hindi umaarte ang dalawa at napaka-natural bilang mag-ina sa tunay na buhay.
“I like the role kasi maraming nangyayari na ganoon, na old people needs understanding, love, isang yakap lang, ang sarap na.
“’Yung kaya ang mga tao sana, huwag ninyong kalimutan ang matatanda, give them importance.
“That’s our happiness.
“Hindi pera ang happiness, ang pagmamahal ipakita ninyo.
“We feel good, we feel good.”
Ang Pagbalik ay ipinrodyus ng Nuances Entertainment Production at PRO.PRO in cooperation with Wildsound.
Bukod sa pagiging aktres, aktibo si Tita Gloria bilang Board Member ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.
Rated R
ni Rommel Gonzales