Friday , November 15 2024

Magpapa-concert si Yorme!

KUMUSTA?

Kung  sakali mang nilindol tayo noong nakaraang Friday the 13th, yayanigin naman tayo sa susunod na Biyernes.

Opo, ito ay dahil sa lakas ng dating ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) sa sentro, o episentro, ng Maynila.

Magkakaroon po kasi ng pagtatanghal ang PPO sa 27 Setyembre, 5:30 n.h., sa Kartilya ng Katipunan o ang bantayog ni Andres Bonifacio sa tabi ng Manila City Hall.

Tatagal nang isa’t kalahating oras, ang palabas ay konsiyerto ng pangunahing orkestrang simponika ng Filipinas, o umano’y pinakamahusay na “conjunto musical” sa buong Asya-Pasipiko.

Ang siste, ito po ay libre.

Parang karinderiang bukas sa sinumang gustong kumain o tumikim.

Kay-sarap at walang bayad ang haing ito ng PPO, ang isa sa mga kumpanyang residente ng Cultural Center of the Philippines (CCP), na itinatag noong 13 Mayo 1973. Sumailalim na ang PPO sa pamumuno hindi lamang ng kanilang dating direktor na sina Prof. Luis Valencia at concertmaster na si Julian Quirit kundi sa baton din ng kanilang organisador na si Prof. Oscar Yatco at iba pang konduktor na sina  Mendi Rodan, Piero Gamba, Enrique Batis, Sebastian Bereau at Nicholas Koch. Nakapagtanghal na rin silang kasama ang mga alamat na alagad ng musikang sina Van Cliburn, Renata Tebaldi, Judith Engel, Anthony Camden, at David Benoit.

Nariyan din ang kapuwa-Filipino nating bantog sa buong daigdig kaparis sina Cecile Licad, Lea Salonga, at Raul Sunico, na naging presidente ng CCP.

Ang sumunod kay Dr. Sunico ay si G. Arsenio “Nick” J. Lizaso bilang bagong pangulo nito noong 2017.

Ipinagpatuloy niyang dalhin sa pampublikong lugar ang mga palabas sa CCP.

Katunayan, ginawa pa niyang guro ng pala­tuntunan ang inyong abang lingkod nang magtang­hal ang PPO sa Freedom Park ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna noong 4 Mayo 2019.

Dahil si Sir Nick ay lagi’t laging inilalarawan bilang “a man of action,” anumang ipangako niya ay kaniyang tinutupad. Kaya, kahit dalawang taon pa lamang siya sa kaniyang puwesto, marami na siyang nagawa. Dagdag pa ito sa anim na dekada ng kaniyang karanasan sa teatro, telebisyon, at pelikula.

Tinanggap niya nitong Pebrero ang Outstanding Alumnus Award mula sa University of the East (UE) at nitong Abril naman ang pagiging isa sa Ten Movers of the Philippines (TOMP) mula sa Malacañang.

Noon nga palang 12 Setyembre, pagkatapos ng press conference ng konsiyertong ito sa CCP, nagmadali si Sir Nick patungong New Frontier upang tanggapin ang pagkilala sa kaniya bilang aktor-direktor sa Sine Sandaan: Celebrating the Luminaries of Philippine Cinema ng Film Development Council of the Philippines (FDCP)!

Sa halip na regalohan, ang CCP pa ang magreregalo sa madla, sa pagdiriwang nito ng ika-50 kaarawan noong 8 Setyembre.

Katunayan, tila kabaliktaran ito ng Bulawan: The 50th Anniversary Concert sa 20 at 21 Setyembre sa Tanghalang Nicanor Abelardo o CCP Main Theater.

Formal na, imbitasyonal pa itong konsiyertong na katatampukan nina Celeste Legaspi, Raul Sunico, Joanna Ampil, Audie Gemora, Monique Wilson, Rachelle Gerodias, Lara Maigue, Andion Fernandez, Nonie Buencamino, Gian Magdangal, Poppert Bernadas, Candice Adea at Julio Blanes kasama ang West Australian Ballet, Ramon Magsaysay Awardee Ligaya Amilbangsa, Madz et al. 250-voice choir, at marami pang iba.

Ito ang punto ni Kgg. Isko Moreno nang sinabi niyang: “Sa ganitong paraan man lamang maiparamdam natin sa ating mahihirap na kababayan ang experience of a lifetime. This is our way to preserve our culture and arts.”

Dahil nga, kung panonoorin natin, halimba­wa, ang PPO sa CCP, kailangan maghanda ang isponsor ng  P700,000 para sa pagtatanghal sa loob ng Metro Manila, o P1.3 milyon kung sa labas nito o sa mga rehiyon.

Inamin nga ni Yorme ang totoo: “Ako mismo ay hindi nakakapanood ng Philharmonic dahil mahal. Mahal, kasi world-class.”

Binuksan ng PPO ang kanilang ika-37 Concert Season noong 13 Setyembre.

Parang hindi ito para sa mga karaniwang tao dahil mataas ang presyo ng tiket para mapanood lamang, halimbawa, sina Noriko Ogawa, Rey Casey Concepcion, The SORA Ensemble of Japan, Alexa Kaufman, Aimee Mina De La Cruz, Andion Fernandez, at Ryu Goto.

Kaya, sana malaman ng lahat ang magandang balitang ito mula sa CCP at sa Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau.

Pahabol pa ng petmalung Ama ng Maynila:  “Ang mga bata ngayon ay abalang manood ng mga palabas na banyaga… Naging abala na tayo ay kumopya na lamang sa sining ng iba.

Sagot ni Sir Nick: “Iskonsiyerto ng PPO!”

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *