Sa kabila ng isang malaking trahedya ng nakaraan at isang misteryosong pagsiklab ng mga lintang umaatake sa mga tao, kaya bang manaig ng pagmamahal laban sa kasakiman, kasinungalingan, at agawan?
Isang mahiwagang kuwentong kapupulutan ng aral ng mga manonood ang napapanood na sa ABS-CBN na “Parasite Island,” na nagsimula nang umere nitong Linggo, 8 Setyembre, at tinutukan ng sambayanan sa pagkakakuha nito ng national TV rating na 30% laban sa 17.3% ng “Daig Kayo ng Lola Ko,” base sa datos ng Kantar Media.
Isang magaling na paramedic si Jessie (Rafael Rosell) ngayon, lumaking pasaway matapos siyang sisihin sa pagkamatay ng tatay niya nang isalba siya sa pagkalunod sa lawa sa isla ng El Cuerpo. Hindi man si Jessie ang may kasalanan, si Jessie pa rin ang itinuturong dahilan ng kanyang mga kapatid kahit na sinabi ni Jessie na isang babaeng puro linta ang pumatay sa kanyang ama.
Higit dalawang dekada na ang lumipas nang mangyari ito, ngunit binabagabag pa rin si Jessie ng kaniyang konsensiya dahil sa nangyari sa ama. Nagtuloy-tuloy ang pagiging lasenggo ni Jessie na naging dahilan ng pagkawasak ng sarili niyang pamilya at relasyon sa asawang si Janelle (Ria Atayde).
Sa pagsapit ng ika-70 kaarawan ng kanyang inang si Daria (Liza Lorena), umuwi si Jessie sa El Cuerpo at ang mga sakim niyang kapatid na sina Warren (Michael Flores) at Gary (Bernard Palanca), na ang tanging gusto ay ipamana sa kanila ang malaking bahagi ng kayamanan ng kanilang ina.
Pagkatapos ng selebrasyon, matutuklasan ang totoong intensiyon ng bawat miyembro ng pamilya, samantala magsisimula na ang pagsakop ng kakaibang epidemya. Sa kabila ng nakahahawang kondisyon, masusubukan ang pag-aaruga nila sa kapwa at ang tunay na pagmamahal nila para sa kanilang pamilya.
Ang trahedyang dala ng mga linta na ba ang magiging sagot sa paghihilom ng kanilang mga sugat, o maging mitsa ito ng tumitinding inggitan at alitan sa buong mag-anak?
Tampok rin sa Dreamscape Entertainment production sina Desiree del Valle, Zeppi Borromeo, Fino Herrera, Charlie Dizon, Kaori Oinuma, Paulo Angeles, Ian Galliguez, at Bianca Manalo. Idinirek ito nina Avel Sunpongco and Richard Arellano. Tutukan ang mga inaabangang tagpo sa “Parasite Island,” tuwing Linggo, 7pm, sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma