SUMUKO sa pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang walong ex-convicts na lumaya sa ilalim ng proseso ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) nitong Miyerkoles.
Ayon kay QCPD Director, P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang walo ay kinilalang sina Joselito Fernandez, 58, ng Brgy. Commonwealth; Rodel Bolo, 42, ng Brgy. Commonwealth; Marianito Revillame, 52, ng Antipolo City; Emmanuel Avillanoza, alyas Awel, 31, ng Brgy. San Agustin, Novaliches; Joselito Chua, 39, ng Brgy. Gulod, Novaliches; Arthur Alvarez, 57, ng Taguig City; Angelo Calma, 30, ng Damayan Lagi, at Enrique Rabit, 37, ng Brgy. Pinyahan, Quezon City
Sinabi ni Esquivel, sa pagsuko ng walo ay dala nila ang kaninang certificate of discharge from prison.
Aniya, natakot ang walo makaraang magbigay ng 15 araw ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat silang sumuko sa mga awtoridad.
Ang walo ang may iba’t ibang kaso, tulad ng murder, rape, frustrated murder, homicide, Possession of Explosives at iba pa.
Nakikipag-ugnayan na ang QCPD sa Bureau of Corrections (BuCor) para sa turnover ng walo.
(ALMAR DANGUILAN)