HINDI natin alam kung matagal nang nagbubulag-bulagan ang mga awtoridad, natapos mabuyangyang ang mga Chinese prostitutes sa lalawigan ng Cebu.
Parang bagong-bago sa kanila na naglipana ang Chinese prostitutes sa bansa gayong sa Maynila lang ay matagal na silang namamayagpag.
Matagal na nating pinupukol sa ating kolum ang
K-One KTV sa Sto. Cristo St., diyan sa Binondo.
Sa Malate, nariyan ang Top Emperor Int’l KTV malapit sa Remedios Circle.
Ang Tycoon KTV De Luxe Club, sa Aseana Macapagal Blvd.
Nariyan rin ang Avia KTV Club sa Newport City.
Patok na patok at pak na pak ‘yang apat na KTV clubs na ‘yan kung Chinese prostitutes ang pag-uusapan.
‘Yan ‘yung matagal nang sinasabi na habang ipinagbabawal ang prostitusyon, ‘e lalong lumulusot at dumarami.
Hindi ba’t matagal nang pinag-uusapan na gawin nang legal ‘yan pero dapat ay restricted sa isang area, at maging mahigpit sa health and sanitary permits ng commercial sex workers, babae man o lalaki?!
Ang gimik kasi ng Chinese prostitutes na ‘yan, tatambay sa nasabing KTV Clubs na kunwari ay customer din sila pero ‘yun pala ay ‘mamimingwit’ ng parokyano.
E kung ganyan lang ang mangyayari, delikadong magkalat ng iba’t ibang uri ng sakit mula STD, impeksiyon sa dugo at iba pang impeksiyon na maaaring makuha sa hindi ligtas na pakikipagtalik sa commercial sex workers.
Kung ‘yung mga POGO ay binubuwisan na ng pamahalaan, dapat siguro’y buwisan na rin ang mga Chinese commercial sex workers na malapit na rin mamayagpag nang husto sa bansa.
Paging DOT, DOH, DFA, BI at iba pang ahensiya ng pamahalaan na ‘parang walang alam’ sa pagpasok ng Chinese prostitutes sa bansa.
Galaw-galaw kayo riyan!
NASAAN ANG BAKUNA
LABAN SA DENGUE?
NANG ipatigil ang dengvaxia vaccine walang naging alternatibo ang pamahalaan kung ano ang kanilang ipapalit.
Hanggang ngayon, kahit maraming magagaling na Pinoy ang gumagawa ng mga pag-aaral tungkol sa dengue, wala tayong nababalitaan na espisipikong gamot o makatutulong sa pasyenteng tinamaan ng dengue.
Ngayong nagkaroon ng epidemya ng dengue, bumalik na naman sa ‘entablado ng dakdakan’ ang mga dating sangkot sa isyu ng dengvaxia.
Sa totoo lang, wala naman makikinig sa kanila kasi hindi naman nila naipaliwanag nang husto sa tao kung ano nga ang dengvaxia.
In short, wala na silang kredebilidad.
Kapag may nagtatanong kung ligtas ba ito, hindi sila makasagot nang deretsong oo, kasi nga ang mga taga-DOH mismo ay mukhang hindi sigurado.
Marami tuloy ang nag-iisip na mukhang sinadya ang epidemya para lubusang yakapin ng mamamayan ang dengvaxia kaysa mamatay sa dengue.
Ganoon nga ba?
‘Yan ay dahil wala ngang paliwanag kung ligtas ba talaga o hindi.
Kung hindi ligtas ano ang kapalit o alternatibo?!
Aba, Secretary Duque, hindi lang press conference ang trabaho mo bilang kalihim ng DOH.
Umaksiyon ka!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap