INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Special Operation Unit (QCPD-DSOU) ang mag-asawang may mataas na katungkulan sa Communist Party of the Philippines – New Peoples Army (CCP-NPA) makaraang makialam sa pag-aresto sa kasamahan nilang wanted sa kasong pagpaslang para makatakas nitong Martes, 23 Hulyo 23, iniulat kahapon.
Nakuha rin umano sa bahay ng mag-asawa ang isang baril at pampasabog.
Sa pulong balitaan na pinangunahan nina NCRPO chief, P/MGen. Guillermo Lorenzo Eleazar, at QCPD Director, P/BGen. Joselito Esquivel, kinilala ang mag-asawang sina Alexander Ramonita Brondo y Kintanar, 67 anyos; at Winona Marie, 60 anyos, kapwa residente sa Block 5, Lot 5, Strauss St., North Olympus Subd., Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Si Winona Marie, ay sinabing kalihim ng CCP/NPA National Propaganda Commission habang ang kanyang mister ay staff ng CCP/NPA National Education Commission.
Ayon kay P/Lt. Col. Gil Torralba, hepe ng DSOU, nadakip ang mag-asawa nitong Martes, dakong 5:30 am, sa pamamagitan ng warrant of arrest.
Nakatakdang arestohin ng mga operatiba ng DSOU si Rolando Caballero, alyas Jet, sa pinagtataguan nito sa Unit 515 5/F, Archway Apartment sa 53 Dagupan St., Brgy. Mariblo, San Francisco Del Monte, QC, na kalaunan ay mababatid na safehouse ng mag-asawang Birondo.
Nang arestohin si Caballero, nakialam, pinigilan at hinarang ng mag-asawa ang tropa ng DSOU dahilan para makatakas si Caballero.
Dahil dito, dinakip at dinala ang mag-asawa sa Criminal Investigation and Detection Unit sa QCPD General Headquarters sa Kampo Karingal.
Nang beripikain, nalaman na ang mag-asawa ay may mataas na katungkulan sa CCP/NPA bukod sa dati nang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at paglabag sa Sec 3 ng PD No. 1866 – RA 9516 (Unlawful manufacture, Sales, Acquisition, Disposition, Importation or Possession of an Explosive or Incendiary Device).
Dahil dito, kinasuhan ng obstruction of justice ang mag-asawa sa QC Prosecutor’s Office kasabay din ng pag-apply ng search warrant sa QC regional trial court (RTC) para sa pagsalakay sa safehouse ng mag-asawang Brondo.
Dakong 10:00 pm, makaraang aprobahan ang search warrant, muling sinalakay ng DSOU ang safehouse.
Kasama ng mga operatiba sa paggalugad ang chairwoman ng Brgy. Mariblo na si Nenita Valdez, mga kagawad na sina Jorome Taeza at Jun Obina at may-ari ng condo-apartment na si Ms. Concepcion Bambao.
Nakuha sa safehouse ng mag-asawa ang isang kalibre .45, isang magazine para sa kalibre .45, pitong bala ng kalibre .45, isang holster, isang MK2 hand grenade, isang rifle grenade 40mm high explosive; at isang rolyo ng detonating cord.
Nakatakdang kasuhan ang mag-asawa ng illegal possession of firearms at explosives.
ni ALMAR DANGUILAN