INIIMBESTIGAHAN ng Philippine Broadcasting Service (PBS) ang episode ng programa ng komentaristang si Erwin Tulfo na minura at pinagbantaan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista sa government-run radio station Radyo Pilipinas.
Nabatid sa source sa Radyo Pilipinas na anomang araw ay ilalabas ng Program Content and Development Committee ang kanilang rekomendasyon sa kahihinatnan ng programa ni Tulfo sa kanilang estasyon.
Nabatid, si Tulfo ay independent program producer o blocktimer sa Radyo Pilipinas.
Ang Radyo Pilipinas ay isa sa mga radio station na pinangangasiwaan ng PBS habang ang PBS ay nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Kaugnay nito, inutusan ni Department of Interior and Local Government ( DILG) Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) na tanggalin ang police security detail ni Tulfo maging sa kanyang mga kapatid na sina Raffy at Ben.
Maging ang dalawang Philippine Marines personnel na nagsisilbing security ni Ramon Tulfo, Presidential special envoy to China, ay tinanggal na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa PNP at AFP, bahagi ng “regular review” ang pagtanggal sa security detail ng magkakapatid na Tulfo.
Nauna rito, umalma ang Philippine Military Academy Alumni Association Inc. (PMAAI) sa maaanghang na salitang binutiwan ni Tulfo laban kay Bautista na miyembro ng PMA Class ‘85.
Sa kanyang radio program noong 28 Mayo ay tinawag ni Tulfo na punyeta, buang, binantaan na ingungudngod sa inodoro si Bautista dahil nabigong makapanayam ang DSWD Secretary.
(ROSE NOVENARIO)