SA kauna-unahang pagkakataon ay bomoto kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte bilang Punong Ehekutibo ng bansa sa midterm elections na sinasabing magsisilbing referendum para sa kanyang administrasyon.
Dakong 4:30 pm, dumating ang Pangulo kasama ang longtime partner na si Honeylet Avanceña sa Precinct 1245A Cluster 361 sa Daniel R. Aguinaldo National High School sa 1 Aplaya Road, Matina Crossing, Davao City.
Halos 20 minuto nagtagal ang Pangulo sa loob ng presinto bago lumabas upang lagdaan ang upuan na ginamit niya sa pagboto noong 2016 presidential elections.
Sa ambush interview, inamin ng Pangulo na kapag natalo ang mga inendoso niyang kandidato, ibig sabhin ayaw sa kanya ng mga tao ngunit kapag nagwagi ang kanyang mga manok ay kursunada pa siya ng publiko.
Anang Pangulo, ang payo niya sa kanyang mga anak, mas mabuti kung maaga nilang iiwanan ang politika.
Ang tagubilin ng Pangulo sa kanyang anak na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte, huwag asintahin ang maging Pangulo ng bansa dahil sisiraan siya ng media na suportado ng ‘western world.’
Kabaliwan aniya ang umiiral sa western world dahil ang mga bilanggong akusado sa kasong kriminal ay binibigyan pa ng award.
Tahasang tinawag ng Pangulo ang kolumnistang si Ellen Tordessilas ng Vera Files online news site bilang ‘every inch a prostitute.’
Matatandaan si Tordesillas ay tinukoy ng palasyo bilang pasimuno sa pagpapakalat ng Bikoy videos na nag-akusa sa malalapit sa Pangulo na sangkot sa drug syndicate.
Pinanindigan ng Pangulo na totoo ang ouster plot matrix na isiniwalat ng Palasyo ngunit ipinauubaya na niya ang usapin kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Kaugnay sa isyu ng vote-buying, sinabi ng Pangulo na mahirap itong patunayan at hindi madaling tuldukan dahil dukhang bansa ang Filipinas.
Sinisi muli ng Pangulo ang mga rebeldeng komunista sa pagiging pobre ng mga tao sa kanayunan dahil kinikikilan ang mga mamamayan at ang mga negosyante ay pineprehuwisyo.
(ROSE NOVENARIO)