NILANGOY ni Ivo Nikolai Enot ang pangatlong gold medal sa pagpapatuloy ng 2019 Arafura Games na ginaganap sa Parap Swimming Pool sa Darwin, Australia.
Nanaig si 13-year-old at tubong Davao City, Enot sa men’s 13 to 14 year old 50-meter backstroke, umoras ito ng 29.80 seconds.
Sinilo ni Enot ang unang ginto sa 100-meter at 200-meter backstroke kung saan ang kampanya ng mga atleta ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez at Standard Insurance.
Naghari si Samuel Alcos, 21 sa men’s 17 ng 100-meter breaststroke at nagtala ng oras na isang minuto at 5.63 segundo, nahablot din niya ang gold medal sa 50-meter breaststroke.
Pagkahablot ng dalawang ginto, nangunguna ang Philippine swimming team sa may pinakamaraming nasungkit na ginto, hawak nila ang 17 golds at nagdagdag ng tig 27 at 17 silver at 17 bronze medals ayon sa pagkakasunod.
Nakalikom ang Filipinas ng kabuuang 30-47-28 gold-silver-bronze.
Samantala, inumpisahan ng Philippine team ang paghataw sa preliminary round sa badminton, pinagulong nila ang Guangzhou, 8-0.
Kinalos ni Karylle Kay Molina si Lan Xu, 21-6, 21-9, sa women’s singles, nakipagkampihan din siya kay Estarco Bacalso sa mixed doubles para pagpagin sina Yin Du at Chongwei Lu, 21-3, 21-3. (A. PRINCESS DAWA)