“WALANG kompromiso, panahon na para tuldukan ang sistemang 5-5-5 o endo,” ‘yan ang naging kolektibong pahayag at sentral na plataporma ng mga kandidato mula sa hanay ng mga manggagawa o LABOR WIN.
Ang LABOR WIN ay alyansang binubuo ng limang kandidatong nagbibitbit ng plataporma na pawang pro-labor. Bukod sa pagwawakas ng ‘endo’ isusulong din nila ang pagtatakda ng pambansang minimum wage o pagpapapantay ng sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor sa lahat ng rehiyon ng bansa, price control ng pangunahing bilihin, pagsasabatas ng unemployment insurance sa mga mawawalan ng trabaho, modernisasyon ng agrikulura at pagpapasigla ng manupaktura sa bansa.
Kabilang sa grupo ang mga beteranong lider manggagawa na sina Atty. Ernesto Arellano, Atty. Neri Colmenares, Leody De Guzman, Atty. Sonny Matula at Atty. Allan Montano.
“Ang aming pagsasama-sama ay senyales ng pagkakaisa ng kilusang manggagawa para isulong ang matagal nang kahilingan na wakasan ang kontraktuwalisasyon dahil sa delubyong epekto nito sa pamilya ng manggagawang Filipino,” pahayag ni Arellano.
Dagdag nito, “ang eleksiyon ang pinakamainam na panahon para ipaliwanag at isambulat ang kalunos-lunos na kalagayan dulot ng mga iskemang gaya ng endo.”
Kung tinupad lamang ni Duterte, sabi ni Colmenares ng grupong Makabayan “ang kanyang pangako noong 2016 ay marami na sana ang regular sa trabaho at kinikilala ang kanilang karapatan.
Ngunit, noong huling 2018 lang, natuklasan na mahigit kalahati pa rin ng mga kompanya na may mahigit 20 manggagawa ay gumagamit pa rin ng mga manpower agencies na pinakasalarin sa pagpapalaganap ng endo.”
“Nagpapasalamat kami sa kanya. Si Duterte ang tunay na nagtulak sa amin para isantabi ang mga dating hidwa at magkaisa sa layunin at prinsipyo para guminhawa ang buhay ng pamilya ng manggagawang Filipino.”
Para naman kay De Guzman ng grupong Partido Lakas ng Masa, hindi maipapanalo ang laban sa kontraktuwalisasyon sa kanya-kanyang kompanya, manpower agency o labor federation.
“Kung sistematiko nilang binabalahura ang karapatan ng mga obrero, dapat sistematiko din nating sugpuin ito. Kailangan ng pagkakaisa at political will para amyendahan ang Labor Code, lubos na ipagbawal ang kontraktuwal na empleyo para hindi magamit ng mga negosyanteng nais magsamantala sa kanilang mga empleyado,” diin ni De Guzman.
Hiniling din ng grupo na maging bahagi ng senatorial debate na sponsor ng Comelec. “Nais namin makipagtagisan ng plataporma sa mga kapwa namin kandidato.
Kompiyansa ang LABOR WIN na lapat sa masa ang aming plataporma dahil ito’y hinubog ng deka-dekadang pagsisilbi sa bayan at sa mga manggagawa,” paliwanag naman ni Matula, mula sa grupong Federation of Free Workers (FFW).
Ayon din sa atornney ng FFW, bagamat pabor ang halos lahat ng kumakandidato sa pagtatapos ng endo, hindi naman garantisado na ‘di nila ito ikokompromiso kapag nakialam na ang Palasyo o mga samahan ng mga negosyante.
Layon din ng grupo na bigyan pansin ang overseas Filipino workers, panukala nilang iprayoridad ang OFW legal defense, lalo na para sa mga kababaihang biktima ng trafficking at OFW empowerment, na magbibigay sa kanila ng pagkakataong mamuhunan na may garantiya ng pamahalaan.
“Kung totoong itinuturing na bayani ang mga nagsipag-abroad nating mga kababayan, dapat lang suklian ng gobyerno ang kanilang sakripisyo. Huwag dapat hayaan na nabubulok sa kulungan at nabibiktima ng illegal recruiter ang mga kababayan natin,” sabi naman ni Montano.
Tagumpay ang mga kandidato ng LABOR WIN sa pag-ani ng suporta mula sa iba’t ibang grupo ng simbahan gaya ni Bishop Broderick Pabillo, obispo ng Maynila at ang pag-endoso ng Church-Labor Conference.
HATAW News Team