SA tindig, hitsura, at charm, puwedeng-puwedeng maging artista si Chuckie Antonio, na sumali noon sa Circle of 10. Pero hanggang doon lamang dahil mas pinili niyang magsilbi at makatulong.
“Matagal na po akong nasa politika, nine years na po. When I started ako po ang pinakabatang kagawad ng Quezon City. Eighteen years old lang ako noon sa District 3. Last term kagawad na po ako ngayon. Kaya tatakbo naman po ako bilang konsehal ng District 3 pa rin,” panimula nito nang makahuntahan namin sa Trellis Manila noong Miyerkoles ng tanghali.
“Before nag-try din akong mag-model, side thing ko lang dati but it was never really ano…It’s important for me to help people.
“Matagal na rin po na gusto kong mag-pursue ng high position specially being councilor. Siyempre, before anything else, para ma-experience ko po at para makatulong sa ibang barangay dito sa District 3,” sambit pa ng 26 taong gulang na kagawad.
Independent ang pagtakbo ni Chuckie na simula’t simula’y walang partidong sinasamahan kaya masasabing sariling kayod kung saan man siya ngayon. Bale16 silang tumatakbo sa pagka-konsehal at bukod-tangi siyang walang ka-grupo.
At sa takbo ng pakikipag-usap namin kay Chuckie, paulit-ulit na natatanong siya ng ibang entertainment press kung bakit hindi na lamang siya nag-artista kaysa nagpolitika.
“Hindi po ako magaling umarte,” sagot niya. “At I really want to help the community. I have a vision po kasi na I want to pursue and I want to be part of this generation.
“I want to show the people or youth na we can be active specially when it comes to government na kaya nating gumawa. We can make a difference. We can be a part of the development. Similar to our Southeast Asian neighbors.”
Pagpapatuloy pa ni Chuckie, “I had this experience po kasi when I had my Masteral sa Singapore, Masters in Management with Specialization in Entrepreneurship and Innovation na very active ang mga kabataan kahit pagdating sa business, government, different industries, technology. So roon ko nakita na parang bakit sa Philippines hindi natin ma-push ang ganoong klase ng development o ganoong klase ng participation mula sa kabataan?”
Kaya ang focus ni Chuckie, “Noong nagsimula ako ng pag-ikot sa mga barangay, we had 37 barangays in District 3, nagsimula ako last year para lang alamin ang mga problema ng mga barangay. So siyempre may mga problemang traditional like health, education, employment. Pero on my own, I want to add something, technology. Sa technology aspect.
“Siyempre naa-address pa rin ang mga problema (traditional) na iyon kasi bilang ‘yung ang majority eh, health, health centers, doctors, medicines. Pagdating sa education, first free, second quality. Third employment. Doon ako magpapasok ng sort of technological factor.
“Kasi at this moment gumagawa kami ng online job platform na magiging libre sa mga taga-Quezon City. Ilo-launch namin iyon within the next two weeks. This is something I am proud of. Mula sa mga ganitong idea nabi-bridge natin ang connection ng technology into the real world. So it gives us an actual thing na we can use rito sa Quezon City.
“It’s a free platform similar to JobStreet. It uses you tagging it, kaya nalalaman mo ang mga trabaho sa paligid mo. Its called Jobbie.
Pagsusog pa ni Chuckie, “In my opinion there are a lot of talented youth. My aim is to provide opportunities for them to harness that skills.”
Nakatutuwang kuwento pa ni Chuckie na sa kanyang paglilibot, hindi naaalis na pagkamalan siyang artista.
“Nagiging factor nga po siguro ‘yung pagkakaroon ng magandang hitsura pero hindi ko alam kung magta-transform iyon sa votes. Ang initial na tanggap sa akin ng tao maganda kasi unang-una hindi naman ako nagpapakita na mahirap akong makasalamuha. I’m very open to everyone. Siguro factor na rin ‘yung mayroon akong kaunting hitsura, ha ha ha.
“Maraming nagtatanong kung artista ako at saka sinasabi sa akin na dapat mag-artista ako, kasi ginugulo ko raw buhay ko.
“Sinasabi ko naman sa kanila na tanggap ko naman na ganoon ang structure ng politika sa Philippines and I don’t mind it. I have a bigger goal in my life. I’m standing for a bigger thing and it’s important for me to help people.”
Napakasuwerte ng District 3 na mayroon silang katulad ni Chuckie Antonio na ang advocacy ay makatulong. Na namulat agad sa pagtulong nang maging aktibo sa Gawad Kalinga at pagbuo ng mga isports na pagkakaabalahan ng mga kabataan, at ang magbigay ng trabaho, pagkakakitaan sa kanyang nasasakupan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio