TINUGUNAN ng mga establisimiyento sa Pasay City ang kakulangan sa wastong pagtatapon ng tubig sa pamamagitan ng pagpapatayo ng sarili nilang pasilidad para sa water and waste treatment.
Nabatid na karamihan sa mga establisimiyentong iniutos na isara ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), ang tanggapang nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay nabigyan ng babala noon pang Setyembre ng nagdaang taon kaya’t walang dahilan upang hindi nila matugunan ang nararapat na panuntunan.
Ilan sa mga establisimiyento sa Pasay City na binigyan ng “notice of closure” ang HK Sun Plaza, Tramway Bayview buffet restaurant, Gloria Maris Sharksfin Restauraunt, Euniverse Entertainment, D Circle Hotel, Malate Bayview Mansion, Summit Ice Inc., at marami pang iba.
Ayon kay Lolita Borja, general manager ng Euniverse Entertainment, ipinakita niya ang ipinatayo nilang water treatment facility na sinimulang gawin noon pang Nobyembre ng nagdaang taon at ginastusan ng milyong halaga ng salapi upang matugunan ang panuntunang ipinaiiral ng LLDA at DILG.
Aniya, hindi pa nasisimulan ang waste treatment na ipatatayo rin nila, handa na silang sumailalim sa panibagong inspeksiyon ng LLDA upang patunayan na sumusunod sila sa inilatag na panuntunan ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Ipinakita rin ni Borja ang isinara ng LLDA na daluyan ng waste water na hindi nila ginalaw upang patunayan na handa silang sumunod sa mga panuntunan.
Nagsimula na rin magpatayo ng kani-kanilang sariling water at waste treatment facilities ang ilan pang establisimiyento sa lungsod ng Pasay upang matiyak na malinis ang tubig na dadaloy patungo sa Manila Bay.
(JAJA GARCIA)