WALANG patawad talaga ang mga oil company at nagawa pa talagang magtaas na naman ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo sa kabila na alam nila na dumaraan sa matinding pagsubok ang bansa dahil sa tindi ng epekto ng bagyong Ompong.
Kahapon ay nag-anunsiyo ang mga kompanya ng langis na kanilang itataas ang presyo ng gasolina nang 50 sentimo kada litro habang 15 sentimo naman sa diesel at 20 sentimo sa gaas. Nagpasintabi naman ang ilang kompanya na walang pagtaas ng presyo ng mga produkto sa mga lugar na lubos na tinamaan ng bagyo.
Aba! Nakonsensiya pa pala nang kaunti ang mga gahamang oil companies na ‘yan? At tila gusto pang patanawin sa kanila ng utang na loob ang mga mamamayan na nasa mga lugar na matinding naapektohan ng bagyo dahil hindi sila isinama sa maaapektohan ng pagtaas ng singil.
Sa totoo lang, nakapag-iinit ng ulo ang kawalan ng konsiderasyon ng malalaking kompanya ng langis. Wala talagang inisip kundi ang makapagkamal ng tubo sa kanilang negosyo kahit alam nilang dumaraan sa matinding sitwasyon ang mamamayan. Sabagay, ganyan naman talaga sila noon pa man, ang pagsamantalahan ang mamamayan sa gitna ng kanilang masalimuot na kalagayan — ‘yung panahon na mas mataas ang demand sa langis para mapatakbo ang maraming bagay tungo sa recovery.
Dapat ay makita ng pamahalaan kung gaano kagahaman ang oil companies na ‘yan at gawan ng paraan para masuheto ang mga walang budhing mga negosyante na ang tanging inaatupag ay makapagkamal nang mas malaking tubo mula sa mga naghihikahos na mamamayan.