Monday , December 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

FDA lubayan ninyo si Dr. Farrah!

HINDI gaanong pinansin ng national media ang napabalitang pag-raid ng mga ahente ng Food and Drug Administration (FDA) at Philippine National Police (PNP) sa isang medical center sa Victoria, Tarlac, noong isang Biyernes, 17 Agosto 2018. Hindi kasi gaanong sikat ang nasabing medical center at malayo sa atensiyon ng mga taga-Metro Manila. Hindi rin gaanong kilala ang may-ari nito, si Dr. Farrah Agustin-Bunch na tagapagtaguyod ng natural medicine sa bansa.

Nalaman na lamang ng mga pasyente ni Dr. Farrah ang pagsasara ng medical center sa Facebook at iba pang social media channels. Kabilang tayo sa libo-libong pasyente ni Dr. Farrah na nagulat sa nasabing balita. Ano ba ang nagawang pagkakasala ng doktora para maipasara ang kanyang pasilidad?

Ayon sa mga balitang napagtagpi-tagpi natin, ipinasara ng FDA ang Dr. Farrah Agustin-Bunch Natural Medical Center dahil umano sa pagbebenta ng mga produktong pangkalusugan na hindi rehistrado sa nasabing ahensiya. Hindi gamot ang mga produktong ito kundi ‘herbal concoction’ na tinimpla ni Dr. Farrah.

Ayon naman kay Atty. Sigmund Fortun, abogado ni Dr. Farrah, matagal nang nakabinbin sa opisina ng FDA ang rehistrasyon ng mga pro­duk­tong gawa ng doktora. Kung bakit nagtatagal ang approval nito, walang malinaw na sagot ang ahensiya maliban sa umano’y tambak na apli­kasyon ng rehistro rito.

Isa lang ang ‘kasalanan’ na alam kong nagpa­patagal sa rehistro ni Dr. Farrah. Kahit lehitimong doktor ng medisina, hindi siya gaanong bilib sa mga gamot na gawa ng malalaking pharmaceutical companies. ‘Yung Big Pharma na tinatawag natin.

Dalawang beses na tayong kumonsulta sa klinika ni Dr. Farrah. Dinayo natin ang Tarlac dahil marami tayong naririnig na magandang balita mula sa mga naging pasyente ng doktora. Bukod sa libre ang konsultasyon, maituturing na milagro ang ilang sakit na napagaling niya.

Marami tayong natutuhan sa pagbisita sa nasabing klinika. Isa na rito ang kahalagahan ng mga halamang-gamot na nagkalat sa ating kapaligiran. Kompleto ng listahan si Dr. Farrah ng halamang-gamot na matatagpuan sa Filipinas. Kung tutuusin, halos lahat ng sakit ay may katumbas na halamang panggamot.

Pero ang pinakamahalagang aralin na natutu­han natin: kayang gamutin ng immune system ng isang tao ang lahat ng sakit kung mananatiling malakas at matibay ito. Humihina lamang ang ating immune system dahil sa maling pagkain at bisyo. Sa madaling salita, hindi tayo magkakasakit kung iingatan natin ang ating katawan.

Dahil mataas ang blood glucose level natin (180 mg/dL), pinayuhan tayo sa klinika ni Dr. Farrah na itigil na ang pagkonsumo ng mga pagkain na may taglay na carbohydrates at sugar. Sa halip na kanin, organic eggs ang ipalit. Tigil na rin sa tinapay, pasta at noodles. Iwas na sa softdrinks at matatamis na inumin.

Kasama sa iiwasan ang lahat ng processed foods. Huwag kumain ng karne kung galing ito sa hayop na kumakain ng feeds. Piliin ang karne mula sa hayop na kumakain lamang ng damo tulad ng baka, kambing at tupa. Kahit sa isda, kainin lamang ang may kaliskis na galing sa dagat at hindi sa mga fish pond na nalalason ng mga feeds.

Matapos sundin ang mga payo ni Dr. Farrah at inumin ng health supplements na gawa niya, bumaba ang glucose level natin at naging normal ito sa loob ng na­ka­raang tatlong buwan. Natanggal din ang ilang bukol na napansin natin sa ilang bahagi ng ating katawan. Bumaba rin ang ating timbang at gumaan ang pakiramdam.

Personal na­ting naranasan ang bisa ng konsultasyon sa klinika ni Dr. Farrah. Malamang, ganoon din ang karanasan ng mga pasyente niya na sumunod sa lahat ng protocols na ipinayo niya. Sa pagsasara ng klinika, daan-daang pasyente ang mawawalan ng giya sa paglaban sa malulubhang sakit tulad ng kanser at diabetes.

Panawagan sa FDA: pakibilisan naman ang pag-aasikaso sa rehi­s­trasyon ng mga produkto ni Dr. Far­rah. Ayaw namin ng mga gamot at health sup­ple­ments na gawa ng Big Pharma. Kung hindi ninyo kayang ga­win ang trabaho ninyo, lubayan na lang ninyo si Dr. Farrah!

PINGKIAN
ni Ruben Manahan III

About Ruben III Manahan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *