Monday , December 23 2024

Permit ng quarrying sa Montalban at San Mateo Rizal, kanselahin

LUBOG na naman sa baha ang Metro Manila nitong nakalipas na linggo dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dala ng hanging habagat at bagyong Karding.

Kadalasan kapag nananalasa ang bagyo, isa sa madaling lumubog ay Marikina City.

Hindi dahil sa barado ang mga kanal o ano pa man kung hindi madaling umapaw ang Marikina River.

Bakit?

Naniniwala ang pamahalaang lungsod ng Marikina na isa sa pangunahing dahilan ang tubig ng ulan na nagmumula sa kabundukan ng Rodriguez (Montalban) at San Mateo kapwa sa lalawigan ng Rizal.

Katunayan, hindi maikakaila na mula sa kabundukan ang baha dahil kulay-putik ang tubig. Tone-toneladang tubig-ulan ang nagmumula sa kabundukan dahil sa talamak na quarry sa Rodriguez at San Mateo.

Kaya, ano ang dapat na gawin para maso­lusyonan hindi lamang ang mabilis na pagtaas ng tubig sa Marikina River kung hindi maging ang sanhi nito — ang quarrying?

Siyempre, alangan naman pabayaan ito ng pamalahaang lungsod ng Marikina. Kaya, hayun umaksiyon agad si Marikina city mayor Marcy Teodoro para sa kanyang constituents.

Nanawagan at hiniling ng alkalde sa Depart­ment of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin agad ang mga permit ng mga nagmimina/quarrying sa dalawang bayan.

Hindi lang suspension ang nais ng alkalde kung hindi cancellation. Dapat lang!

Katunayan, may suspension order na ang DENR, anang alkalde at kanyang itinuturing isang “welcome development” ito, pero hirit ni Teodoro  taasan ang parusa.

Parusang kanselahin ang permit ng mga iresponsableng businessmen na umaabuso sa kalikasan.

“Dapat ma-revoke ang mga permit. Iyan nga ang hiniling namin kay Special Assistant to the President Bong Go nang makausap namin siya. Kami sa Marikina City ang naaapektohan sa mismanagement ng upstream communities,” pahayag ni Teodoro.

Ang Marikina at Taytay sa Rizal ay nagsisil­bing catch basins ng baha o rainwater mula sa Rodriguez at San Mateo.

“Kung mapoprotektahan ‘yung Marikina wa­ter­shed in the upstream communities, ang effect niyan maganda para sa Marikina,” ani Teodoro.

“Mababawasan ‘yung mabilis na paghugos ng tubig galing sa kabundukan o sa itaas,” dagdag ng alkalde.

Sa talaan ng Marikina government, 16 ang barangay sa lungsod, 14 sa kanila ang matatag­puan malapit sa river system.

Sa info, may kautusan ang DENR na ipinatitigil ang quarrying sa San Mateo at Rodriguez pero bakit tuloy pa rin ang operasyon.

Magkano!?

Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, nagbaba na ng direktiba si Environment chief Roy Cimatu sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) na itigil ang quarrying sa dalawang bayan.

Mabuti naman at umaksiyon na si Cimatu – anyway, hindi pa naman huli ang lahat. Pero bakit tila yata hanggang papel lang ang kautusan o hindi pinakikinggan ng MGB ang direktiba? Ano ba ang mayroon?

Sec. Cimatu, nagawi na po ba kayo a kabun­dukan ng Rodriguez at San Mateo? Naku po Mr. Kalihim, papalapit ka palang sa Montalban lalo na kung manggagaling ka sa area ng Quezon City (Payatas) pababa ng Montalaban, doon pa lang ay tanaw mo na kung gaano katalamak ang quarry sa lugar maging sa San Mateo. Makikita mo kung gaano kalawak ang natapyas sa kabundukan.

Madalas kong nakikita ito dahil ang lugar ay isa sa paboritong takbohan namin – para mag-ensayo sa “trail run.”

Kaya hindi pa huli ang lahat Mr. Kalihim. Iligtas ninyo ang kali­kasan natin para sa kababayan na­ting nakatira sa kabundukan ng Rodriguez at San Mateo. Ang masa­ma, hindi lang sila ang apektado kung hindi maging ang karatig lungsod tulad ng Marikina at Quezon City (Barangay Ba­gong Silangan).

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *