Monday , December 23 2024

27 ‘ghost barangays’ sa Maynila may RPT

INIREKOMENDA ng Commission on Audit (COA) ang imbes­tiga­syon sa alokasyon ng Real Property Tax (RPT) shares na napunta sa mga “non-existent” na barangay sa Maynila.

Nabulgar sa inilabas na 2017 audit report ng COA na may “27 ghost barangays” sa Maynila ang pinopondohan ng RPT.

Nadiskubre ng COA ang malaking anomalya base sa opisyal na talaan na 896 lang ang kabuuang bilang ng barangay sa buong Maynila, pero umaabot sa 923 ang mga barangay na tumatanggap ng RPT shares.

Umabot na sa P1.374 billion RPT shares ang balanse na hanggang ngayon ay hindi pa naipapamahagi ng City Hall sa 896 barangay sa Maynila – P480.12-million para sa last quarter ng 2016 at P893.951 million para sa first at second quarters ng 2017.

Ayon sa COA, P108.733 million RPT shares ang napunta sa 27 non-existent or ghost barangays sa Maynila kaya’t hindi naipamamahagi ang pondo sa 896 lehitimong barangay.

Pati pala sa RPT share ng barangay sa Maynila, may dagdag-bawas din.

Sabi ng COA, “Consequently, the RPT shares allocated to the 27 non-existent barangays resulted in the understatement of the cor­responding shares that should be distributed to only 896 barangays of the City.”

Kaya naman pala lumiliit at nababawasan ang RPT shares ng mga lehitimong barangay dahil sa kanila ibinabawas ang para sa 27 non-existent o ghost barangays.

Labag sa batas, ayon sa COA, ang anomang pagkaantala sa pamamahagi ng 30-percent RPT shares sa bawat barangay na nasasaad sa Section 271(d) of RA 7160.

Ang tanong: Kaninong bulsa napupunta ang alokasyon ng RPT shares sa 27 ghost barangays na nabisto ng COA sa Maynila?

‘Yan ang ating abangan!

MAYOR SA CEBU ANG UTAK
SA NAGLAHONG SHIPMENT
NG BIGAS, ONIONS SA CDO

ISANG alkalde sa lalawigan ng Cebu ang nasa likod ng naglahong shipment ng imported na bigas at sibuyas sa yarda ng Mindanao Inter­national Container Terminal Services, Inc. (MICTSI) sa isang sub-port ng Bureau of Customs sa Cagayan de Oro.

Ang balita, mula sa 25 ay umakyat na sa 110 ang bilang ng container vans na nawawala sa MICTSI.

Paanong nawala sa yarda ng MICTSI ang mga container van na ayon kay Customs Commis­sioner Isidro Lapeña ay may alert order?

Suspendido na raw ang pitong opisyal at limang officers ng Customs sa CDO na maha­harap sa administrative, habang 8 pa – consign­ees, customs broker, and MICTSI personnel — ang sasampahan ng kasong kriminal oras na mapatunayang nagkipagsabwatan.

Madalas na nating marinig ‘yang mga kaka­suhan na ganyan sa nakaraan pero hanggang ngayon wala namang natuluyan.

‘Di ba hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa mahigit 200 container van ng tiles na nawala sa Manila International Container Port (MICP) na unang iimbestigahan kuno ng Kamara?

Noong panahaon nga ni PGMA, isang barkong bigas ang naglaho habang si noo’y Commissioner Napoleon ‘Boy’ Morales pa ang district collector sa Port of Batangas.

Mas matindi ang nangyari noon – nawala na ang bigas, nawala pa pati barko. Hehehe!

Commissioner, sir, ipahanap mo na lang kaya kung sino ang damuhong mayor sa Cebu na tinutukoy ng aming impormante na siyang nagpatrabaho sa mga nawawalang shipment.

DYOWA NG EX-PARTY-LIST
CONGRESSMAN ‘NASABITAN’
NG P700-K SA CASINO

GALIT na galit daw ang isang dating party-list representative matapos maipatalo ang salaping puhunan ng kanyang dyowa sa casino.

Ang dyowa ni ex-congressman ay sinubu­kang mag-finance pero ang P700-K na kanyang puhunan ay agad naipatalo ng isang tirador sa casino.

Sa madali’t sabi, dahil bagito pa ay nasabitan ng tirador na player sa casino ang dyowa ni ex-cong.

Pera siguro ni ex-cong ang ipinuhunan ng kanyang dyowa sa casino kaya siya nagagalit.

Ipagtanong n’yo na lang sa City of Dreams kung sino ang ex-cong at ang kanyang dyowa.

Sakaling wala si ex-cong, malamang ay kasama siya sa mga militante na nakatakdang dumalo sa rally ngayong araw para sa SONA ni Pres. Digong.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *