LAYA na pala ang konsehal na kamakailan ay naaresto sa ilegal na droga, pagnanakaw at pagsusugal sa isang sikat na casino sa Parañaque City.
Si Taguig City Councilor Richard Paul Tejero Jordan ay inaresto ng Parañaque PNP bandang 7:40 ng gabi noong July 3 habang papalabas sa Solaire Resort & Casino sa Bgy. Tambo.
Sa pagsusuri, kinompirma ng crime laboratory na ang 32 piraso ng ilegal na droga na nasabat kay Jordan ay mga kulay pink at orange na ecstasy tablets.
Natagpuan din sa paper bag at body bag na bitbit ni Jordan ang ilang kagamitan mula sa kuwarto ng hotel, ilang piraso ng casino chips na may katumbas na halagang P50,000 at positibo pa sa ilegal na droga.
Napaulat na si Jordan ay idenitine sa Parañaque police station matapos sampahan ng kasong illegal drugs possession at theft sa Parañaque prosecutor’s office.
Nagtungo sa detention cell ng Parañaque police station ang mga miyembro ng media para makapanayam at makuhaan ng pahayag ang naarestong konsehal.
Pero ayon sa impormante, hindi pala sa detention cell ipinasok si Jordan kung ‘di sa malamig na opisina ng mataas na opisyal ng Parañaque city police namalagi nang ilang araw ang konsehal hanggang makalaya.
VIP treatment ba ang tawag diyan?
Hindi na natin ipinagtatakang maareglo ang kasong theft laban kay Jordan, pero ang hindi kapani-paniwala ay kung paano siya nakapagpiyansa sa possession ng 32 piraso ng ilegal na ecstasy na nasamsam sa kanya ng Parañaque city police?
Wala kayang balak ang Department of Justice (DOJ) na pagpaliwanagin ang fixcal, este, fiscal sa Parañaque prosecutor’s office na nagrekomenda at nag-apruba sa piyansa ni Jordan?
Aba’y, mukhang may dapat din ipaliwanag ang Parañaque city police kay Gen. Guillermo Eleazar, ang no non-sense na hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO)!
Maipatupad kaya ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang katapat na parusa laban kay Jordan, alinsunod sa batas na nagbabawal sa sinomang empleyado at opisyal ng pamahalaan na magsugal sa casino?
‘Yan ang hindi sure dahil si Jordan ay kilalang kapartido at kaalyado sa politika ni Taguig city Mayor Lani Cayetano, maybahay ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Alan Peter Cayetano.
Guilty, unless proven influential?
MTPB KOTONG
ENFORCER:
“THAT IS FOR AREGLO!”
HINDI na maabot sa kanyang kasikatan si Ferdinand Borja, ang matapang na enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nangotong ng halagang P2,000 sa dayuhang motorista at kasamang babae na kanyang sinita.
Dahil sa matinding kahihiyan, nagtatago ang hindoropot na si Borja matapos maging viral sa social media ang kanyang blockbuster video na pinagpipiyestahan ng publiko sa social at mainstream media.
Maliwanag naman sa video na swak sa kasong kriminal na robbery-extortion si Borja, kahit pa sabihing siya ay sinibak na ng kanyang mga amo sa MTPB at City Hall.
Ang problema kay Borja at sa mga tulad niya ay malalakas ang loob na gumawa ng krimen, pero wala namang tapang na harapin ang ginawang kagagagohan.
Hindi lang sa kanyang mga nabiktima at sa publiko may atraso si Borja kung ‘di pati sa sarili niyang pamilya na nadamay rin sa malaking kahihiyan.
Ang pagsisisi ay talagang nasa huli habang hindi pa ito naiimbento sa una.
1-K YEARS
PA MORE
PARA KAY
‘KAPITAN’
BINATI ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang kaarawan kamakailan si Lucio Tan.
Sang-ayon tayo sa wish ni Pres. Digong kay Lucifer, ‘este, Lucio, a.k.a. “Kapitan,” na humaba pa ang buhay niya nang 1,000-taon para naman ma-enjoy to-the-max ang naimpok na yaman mula kay dating yumaong Pang. Ferdinand Marcos.
Harinawa ay magkatotoo at magkrus ang dila ng pangulo, kahit man lang 150 years old ay abutin ni Kapitan, kesehodang uurin pa siya nang buhay.
Malay natin, pagdating ng araw maimbento kung paano madadala sa impiyerno ang kayamanan para happy si Kapitan.
Cheers!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid