HINDI isinasara ni Marian Rivera ang pinto ng pagkakataon na balang-araw, kapag pareho na sila ng mister niyang si Dingdong Dantes na magdesisyon na mag-lie low sa showbiz at naisin ang mas tahimik na buhay, ay manirahan sila sa Spain na roon nakatira ang ama ni Marian.
“Depende, especially kung saan mag-aaral ‘yung anak ko.
“So ‘yun siguro yung iko-consider ko especially ‘pag malaki na siya.
“Kasi gusto namin ni Dong, mas malawak ‘yung knowledge ni Zia eh sa pag-aaralan niya.
“Baka puwede, kapag nag-aral si Zia sa ibang bansa, baka puwede.
“Iba pa rin kasi ‘yung mas malawak ‘yung alam eh,” pahayag ni Marian.
Samantala, ngayong Sabado, June 23, ay first anniversary ng Tadhana sa GMA na for the first time ay gaganap si Marian bilang artista at hindi host, at first time rin na ang direktor ng episode ay si Dingdong mismo.
Nagsilbi rin itong reunion ng tatlong Dyesebel stars; gaganap na kapatid ni Marian sa episode na ito si Lotlot de Leon.
Noong 2008 ay ipinalabas sa GMA ang Dyesebel na si Marian ang gumanap na bidang sirena, si Dingdong ang leading man bilang si Fredo at si Lotlot ay si Banak, ang sirenang kumupkop kay Dyesebel sa ilalim ng dagat.
Samantala, natanong si Marian ng isang hypothetical question: kung halimbawang may isang project na si Dingdong ang direktor at nakita ni Marian na bagay sa kanya ang role pero may naka-assign na ibang aktres para sa role, kukunin ba ni Marian ang role?
Naikompara ito sa A Quiet Place anecdote an may original actress na gaganap na sana bilang bida sa pelikulang starred in and directed by John Krasinski pero nang naramdaman ni Emily Blunt na bagay sa kanya ang role ay ginawan niya ng paraan na siya ang magbida.
Mag-asawa sina John at Emily sa tunay na buhay.
Sa umpisa ay si Emily talaga ang female lead sa A Quiet Place pero noong una ay naisip nito na huwag gumawa ng horror movie kaya siya pa mismo ang nagrekomenda sa kanyang mister ng isang kaibigang aktres para pumalit sa kanya.
Pero nang nabasa ni Emily ang kabuuan ng script ay naging interesado na ito at sinabihan ang mister (na si John) na i-fire out ang kinausap na nitong aktres para siya na mismo ang magbida sa pelikula.
“Hindi ko ugaling mang-agaw ng project!”
“Kung ano ‘yung para sa akin, para sa akin. So kung ‘yung project na ‘yun ay para na sa iba, hindi ko gagawin na agawin iyon para lang magkaroon ako ng project.
“Naniniwala ako na kung para sa akin, para sa akin, hindi ko kailangang mang-agaw o ilagay ang ganoong sitwasyon sa sarili ko.”
May nakalinyang pelikula para kay Marian this year pero ayaw muna niyang i-reveal ang mga detalye tungkol dito.
Rated R
ni Rommel Gonzales