MAILAP pa rin ang minimithing kapayapaan sa bansa matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin muli ang nakatakdang peace talks sa kilusang komunista sa 28 Hunyo sa Oslo, Norway.
Ang pasya ay ginawa ni Duterte matapos ang joint AFP-PNP command conference sa Palasyo kamakalawa ng gabi.
Sa biglaang press conference kahapon sa Palasyo, sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, nais ng Pangulo na makuha muna ng gobyerno ang pulso ng publiko at pribadong sektor sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).
“The government peace panel in cooperation with the private sector will continue on its efforts to “engage” those who earnestly seek peace,” ayon kay Dureza.
“But it is equally important that the stakeholders on the ground must also be equally engaged through consultations to ensure that all those consensus points and agreements forged in the negotiations table have palpable support from them,” dagdag niya.
Sa kabila ng pansamantalang pagkabalam ng resumption ng peacetalks, tiniyak ni Dureza na matutuloy rin ito kapag nakita na nilang may “enabling environment.”
Hindi idinetalye ni Dureza kung anong “enabling and conducive environment” ang hinanap ng gobyerno para umusad muli ang peace talks sa kilusang komunista.
Dahil hindi na muna matutuloy ang peace talks, epektibo muli ang lahat ng warrant of arrest laban sa mga lider-komunista na bahagi ng NDFP panel .
Inilinaw ni Dureza na hindi naman nahinto ang operasyon ng military laban sa NPA kahit may back channeling talks na ginawa, lalo pa at patuloy rin ang pag-atake ng mga rebelde sa iba’t ibang panig ng bansa.
Noong Pebrero 2017 isinagawa ang huling formal peace talks.
(ROSE NOVENARIO)