KAKAIBANG Ella Cruz at Donnalyn Bartolome ang mapapanood sa pelikulang idinirehe ni Richard V. Somes, ang Cry No Fear, isang suspense-thriller na handog ng Viva Films at ipalalabas na sa June 20.
Kilala si Somes sa paggawa ng mga pelikulang nakagugulantang tulad ng Shake, Rattle & Roll. Kaya tiyak na kakaiba na naman ang bago niyang handog na ito.
Maliban sa matinding takot na ipinakita nina Ella at Donnalyn sa horror movie na Darkroom noong nakaraang taon, magpapakita ang dalawa ng matinding kamalditahan. Ito ay malayong-malayo sa karakter ni Ella sa Fangirl, Fanboy at mga karakter ni Donnalyn sa mga pelikula at TV series.
Gumaganap sina Ella at Donnalyn ay gumaganap bilang sina Wendy at Kaycee, half-sisters na kinamumuhian ang isa’t isa. Alam ito ng kanilang ama (Lito Pimentel), ngunit kailangan niyang iwan ang dalawa sa loob ng tatlong araw kasama ang kanilang Yaya Dory.
Sa gitna ng matinding bagyo, nabulabog ang magkapatid sa pagkatok ng ilang taong humihingi ng pagkain at gamot. Itinaboy nila ang mga ito, ngunit mas lalo nilang nailagay ang mga sarili sa panganib. Pinasok sila ng masasamang loob (Lander Vera Perez, Christopher Roxas, Patricia Javier) na hindi magdadalawang-isip na patayin sila.
Ngayon na ang panahon para magkaisa ang magkapatid para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, naging mas malapit sa isa’t isa ang dalawang aktres dahil sa pelikulang ito. Kuwento ni Donnalyn sa Anong Ganap sa VIVA TV, ”Para kaming magkapatid, minus the away.”
Ayon naman kay Ella, ”Mas nagkaroon kami ng bonding and sharing ng mga bagay-bagay.”
Isa sa pinagkakasunduan nila ay ang interes at talento sa pagsayaw at pagkanta. Nag-trending ang mga YouTube dance videos ni Ella, na ngayo’y tinatawag ng Millennial Dance Princess. Bago naman pinasok ang showbiz, nagsimula si Donnalyn bilang internet sensation dahil sa mga awiting siya mismo ang sumulat, kaya naman bagay sa kanya ang titulong Social Media Sweetheart.
Bilang Wendy at Kaycee sa Cry No Fear hindi sila matatawag na “sweetheart” pero hindi malayong—ituring silang mga prinsesa ng kilabot. (MVN)