When you don’t take a stand against corruption you tacitly support it.
— Kamal Haasan
PASAKALYE:
Bumagsak ang trust rating ni Vice President Leni Robredo ng 13 puntos sa first quarter ng taong kasalukuyan, ayon sa resulta ng latest Social Weather Stations (SWS).
Bumagsak ang rating ni Robredo mula sa +52 (very good) sa fourth quarter ng 2017 sa +39 (good) ngayong 2018.
Sa kabila nito, nagpasalamat ang pangalawang pangulo sa mga nagpahayag ng tiwala sa kanya dahil magsisilbi umanong inspirasyon ito para mas magpursigi pa siyang maglingkod sa sambayanang Pinoy.
Aniya: “Ang inyong tiwala at suporta ang nagsisilbing tanglaw sa akin upang lalo pang pagbutihin ang aking trabaho. Makaaasa po kayo na patuloy nating ipaglalaban ang mga pangarap at boses ng ating mga kapwa Filipino.”
May halaga din malaman ito dahil mahalagang may tiwala ang taongbayan sa hahalili kay Digong sakaling mawala ang pangulo…
***
NAHAHARAP sa kasong graft sina dating agriculture secretary Proceso Alcala at 20 pang garlic traders at ibang opisyal sa agrikultura kaugnay ng sinasabing garlic cartel scam.
Batay sa opisyal na pahayag ng Tanggapan ng Ombudsman, naglabas ang Department of Agriculture (DA) ng umaabot sa 9,000 import permit mula 2010 hanggang 2014. Sa nasabing bilang ay 5,000 naman ang nakopo ng Vendors Association of the Philippines, Inc. (VIEVA) na pinamumunuan ni Lilia Cruz.
Bilang background, noong 2013 ay itinalaga ni Alcala si Cruz bilang chairperson ng National Garlic Action Team, na inatasan ng kagawaran para bumalangkas at lumikha ng mga polisiya at alituntunin sa produksyon at supply ng bawang.
Umakto noon si Cruz bilang kinatawan ng mga importer para mapadali ang pagpoproseso ng mga application para sa pag-angkat ng bawang.
Nadiskubre ng mga imbestigador ng Ombudsman na inaprobahan ni Alcala ang pagpapalabas ng mga importer permit sa kabila ng suspensiyon ng release order.
Lumitaw sa resolusyon ng Ombudsman na hinawakan ng VIEVA ang supply ng bawang kaya nagresulta ito sa mga price surge na mula P165 hanggang P170 kada kilo noong 2010 hanggang 2013 sa P260 hanggang P400 kada kilo noong Enero hanggang Hulyo 2014.
Sanhi nito, hiniling ng Ombudsman ang pagpapatalsik kay dating Bureau of Plant Industry (BPI) director Clarito Barron at ang mga division chief na sina Merle Palacpac at Luben Marasigan dahil sa grave misconduct.
Ang nasabing mga opisyal ay hindi na papayagang humawak pa ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi rin makatatanggap ng alin mang retirement benefit.
Dapat lang…
***
PARA sa inyong komento o suhestiyon, reklamo o kahilingan, magpadala ng mensahe o impormasyon sa email na [email protected] o i-text sa cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!