TIKOM ang bibig ng Palasyo sa kaso nang pagpatay sa isang pari ilang minuto matapos siyang magmisa sa Brgy. Peña West, Gattaran, Cagayan kahapon ng umaga.
“Will post once Spox has reax,” matipid na tugon ni Communications Assistant Secretary Queennie Rodulfo nang tanungin kung ano ang pahayag ni Presidential Adviser on Human Rights at Presidential Spokesman Harry Roque sa pagpatay kay Fr. Ventura.
Si Fr. Ventura ay pinagbabaril ng mga suspek na riding-in-tandem ilang saglit matapos siyang magmisa dakong 8:00 ng umaga kahapon.
Nagimbal at mariing Kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpaslang kay Fr. Ventura
“We are totally shocked and in utter disbelief to hear about the brutal killing of Fr. Mark Ventura, Catholic priest of the Archdiocese of Tuguegarao,” ani Archbishop Romulo Valles, pangulo ng CBCP.
“We condemn this evil act!” dagdag ni Valles.
Umapela ang CBCP sa mga awtoridad sa mabilis na pagdakip sa mga suspek at bigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ventura.
Si Ventura ang ikalawang pari na pinaslang sa loob ng nakalipas na apat buwan.
Noong 5 Disyembre 2017, tinambangan si Fr. Marcelino Paez sa Nueva Ecija habang pauwi mula sa pagdalaw sa isang political detainee sa bilangguan.
Mula nang maluklok sa Palasyo si Pangulong Rodrigo Duterte, ilang beses niyang binatikos ang mga alagad ng Simbahang Katolika, at noong nakalipas na linggo’y inamin niyang pinaimbestigahan ang paglahok ni Sr. Patricial Fox, isang madreng Australiana, sa mga pagkilos para ipagtanggol ang mga magsasaka.
Nagpasya ang Bureau of Immigration na palayasin sa bansa si Sr. Fox dahil bawal sa mga dayuhang nasa Filipinas ang lumahok sa mga kilos-protesta.
(ROSE NOVENARIO)