MAY umugong na balita, na baka raw sa susunod na buwan ay payagan nang makapaglagak ng piyansa si Bong Revilla. Ibig sabihin makalalabas na siya sa Crame matapos ang apat na taong pagkakakulong. Kung kami ang tatanungin mabuting balita iyan.
Kasi sinasabi nga nila na basta nakalabas si Bong, babalikan niya ang paggawa ng pelikula. Baka sakaling si Bong ang muling makabuhay ng action movies. Kaya naman namatay iyang action movies eh dahil nawala na ang malalakas na action stars, at tila tinabangan ang fans nang halos magkasunod na nawala sina FPJ at Rudy Fernandez. Nagkaroon nga ng void.
Si Bong naman at that time, busy sa politika. Kung ngayon ay babalikan na niya ang pelikula at makagagawa siya ulit ng mga mahuhusay na action pictures na kagaya ng ginagawa niya noong araw, baka magkaroong muli ng buhay ang action, at nang hindi lang puro comedy ang kumikita ng malaki.
Isang malakas na action star lang talaga ang kailangan natin para mabuhay ang action genre sa pelikulang Pilipino. Hindi iyang kagaya ng mga gumagawa ng action movies ngayon na parang wala sa ayos. Parang mga kulang ang arte.
Action nga lelembot-lembot naman. Sino nga ba ang manonood sa mga iyan?
HATAWAN
ni Ed de Leon