Monday , December 23 2024
Boracay boat sunset
SA kabila ng mga problemang kinakaharap tungkol sa sewerage system ng mga resort sa Boracay Island ay marami pa rin ang pumupunta rito para magbakasyon at matunghayan ang paglubog ng araw. (MANNY MARCELO)

Sedisyon vs papalag sa Boracay rehab (Kahit LGU officials o resort owners)

NAGBANTA si Pangulong Rodrigo Duterte, aarestohin at sasampahan ng kaso ng sedition ang mga lokal na opisyal at resort owners ng Boracay kapag tumanggi at lumaban sa rehabilita­syon ng isla.

“Kasi kung ayaw nila mag-cooperate and they begin to protest, e kayo naman may kasalanan d’yan you are responsible for the damage all these years, pati ‘yung local officials who are all nonchalant of the problem there arestohin ko kayong lahat,” ani Duterte sa kanyang talumpati sa 2nd Kanlahi Festival sa Tarlac City kahapon.

“And if you put up a fight I will charge you for sedition, preventing government to do what is good for the Filipino people,” dagdag niya.

Ang mga lokal na ehekutibo at mga negosyante aniya ang responsable sa pagkasira ng Boracay.

Kamakalawa, inihayag ng Pangulo na isasailalim niya sa state of calamity ang Boracay dahil sa malalang “sewage problems.”

Inatasan niya si Environment Secretary Roy Cimatu na magsumite ng rekomendasyon sa loob ng anim na buwan makaraan ang masusing pagsisiyasat sa naging masahol na sitwasyon ng Boracay.

Ikinokonsidera ng DENR at DILG na iutos ang 60-day shutdown ng mga establisyemento habang sinusuri ang kanilang mga paglabag sa environmental laws.

ni ROSE NOVENARIO

P1-BILYON
ENVIRONMENTAL
FEES SA BORACAY
SAAN NAPUNTA?

SA kabila ng mga problemang kinakaharap tungkol sa sewerage system ng mga resort sa Boracay Island ay marami pa rin ang pumupunta rito para magbakasyon at matunghayan ang paglubog ng araw. (MANNY MARCELO)

ITINATANONG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang P1 bilyon environmental fees na nakolekta ng lokal na pamahalaan mula sa mga turistang dumayo sa Boracay nitong nakaraang 10 taon, ayon sa isang opisyal, nitong Miyerkoles.

Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing, nagbabayad ng P75 environmental fee ang bawat turistang pumupunta sa islang tanyag sa white beach.

Nasa dalawang milyon aniya ang dumarayo sa Boracay kada taon kaya nakakokolekta ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P150 milyon environmental fee.

“‘Pag titingnan ho natin ang 10 years na aming babalikan, bilyon hong pera ang nakolekta ng lokal na gobyerno,” ayon kay Densing.

“Gusto rin namin malaman kung saan napunta iyan, baka nagamit kung saan-saan. Mayroon na hong kriminal na aspekto ang kalalabasan po nito,” dagdag niya.

Nakalaan ang environmental fee sa paglilinis ng baybayin ng Boracay ngunit kamakailan ay pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumi ng isla at binansagan pa itong isang “cesspool.”

Isang malawakang paglilinis ang ipinatutupad ngayon ng gobyerno, at pinananagot ang mga establisyemento na may mga paglabag sa environmental laws at zoning regulations.

Binigyan ni Duterte ang DILG, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, at iba pang ahensiya ng anim buwan para isaayos ang Boracay.

Bumuo na ng task force ang mga ahensiya. Nitong nakaraang linggo, nagsimula ang grupo na imbestigahan kung aling mga resort ang dapat ipasara dahil sa mga sari-saring paglabag, sabi ni Densing.

Tinitingnan din aniya ng task force kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal kaugnay ng ilang resort na naitayo umano kahit walang environmental clearance at building permit.

Samantala, inirekomenda nina Tourism Secretary Wanda Teo at DILG officer-in-charge Eduardo Año na isara ang Boracay ng 60 araw para sa rehabilitasyon ng isla.

Babayaran ng pamahalaan para tumulong sa clean-up ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa panukalang closure, sabi ni Densing.

Tinitingnan din aniya ng DILG kung maaaring magamit na pampasuweldo sa grupo ang environmental fees.

Dagdag ni Densing, nakikipag-ugnayan ang DILG sa labor at social welfare departments para makapag-alok ng pautang sa mga maaapektohang manggagawa.

 

About Rose Novenario

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *