KASABAY ng paggunita sa National Arts Month ngayong Pebrero, isasagawa ang Pelikultura: The Calabarzon Film Festival 2018 na itinatampok ang mga baguhan at propesyonal na filmmakers na mula sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon para ibahagi ang kanilang mga pelikula at kaalaman sa larangang ito.
Kasama ang National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at Film Development Council of the Philippines (FDCP), layunin ng film festival na bigyang oportunidad ang mga batang film makers na ipamalas ang mga pelikula mula Calabarzon at iba pang parte ng bansa.
Layunin din ng festival na ipakita ang mga kuwentong hitik sa kultura ng Region-IV A. Ang Wawa (2015) ni Anj Macalanda at Nakaw (2017) nina Noel Escondo at Arvin Belarmino ay ilan lang sa mga pelikula mula Pelikultura na kinilala sa ibang bansa.
Magsisimula ang festival sa isang General Education forum na guest lecturers ang mga film scholar na sina Prof. Patrick Campos ng University of the Philippines Film Institute at Dr. Paul Grant ng University of San Carlos, Cebu. Ang forum ay ukol sa Regional Cinema as National Cinema at Regional Cinema and the Limits of National Cinema.
Ipalalabas ang dokumentaryo ng award-winning filmmaker na si Sheron Dayoc, ang The Crescent Rising. Magkakaroon din ng film workshops kasama ang isa pang award-winning filmmaker mula Mindanao, si Direk Arnel Mardoquio sa Pebrero 20-21, 9:00 a.m.-2:00 p.m.. Isang forum din ang ibibigay ng writer-director na si Sherad Sanchez sa Pebrero 20, 2:00 p.m. tungkol sa panonood ng pelikula, ang How To Watch A Film.
Sa pagtatapos ng festival, itatampok ang pelikula ni Kidlat Tahimik, ang Turumba na may special screening sa Pebrero 21.
Mula sa 122 na sumali sa kompetisyon, 25 ang napili sa patimpalak. Kasama sa mga hurado sina Prof. Patrick Campos, filmmaker and lecturer Adjani Arumpac, at director-writer Charliebebs Gohetia.
Ang Pelikultura 2018 ay gaganapin sa REDREC Auditorium, sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Banos, Laguna. Bukod sa workshops, forum, at film screenings, may mga Los Banos based artists din na magtatanghal ng cultural performances, spoken-word poetry, at zine exhibit. Libre ang admission sa festival at maaaring magpa-reserve ng tickets sa http://bit.ly/pelikultura2018 o makipag-ugnayan sa [email protected] // 0915 888 7118 // (049) 536-9259. Maaari ring bisitahin ang kanilang Facebook page sa www.facebook.com/Pelikultura para sa karagdagang impormasyon.
Ang Pelikultura: The Calabarzon Film Festival 2018 ay handog ng UP Los BanÞos at PelikuLAB, ang media arts division ng Samasining, Department ng Humanities-UPLB, sa pakikipagtulungan ng NCCA at FDCP.