NAWINDANG daw ang kompanya ng MIASCOR matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang terminasyon ng kanilang serbisyo sa lahat ng paliparan sa buong Filipinas.
Ang MIASCOR para sa kaalaman ng lahat ay nangangasiwa sa ground-handling services ng mga bagahe ng airlines sa lahat ng airports sa bansa.
Kamakailan ay sumabit ang ilang empleyado nito sa Clark International Airport matapos magreklamo ang isang overseas Filipino worker (OFW), si Jovinil Dela Cruz, na hinarbat ng ilang kawatang empleyado ng MIASCOR ang laman ng kanyang mga bagahe sa kanyang pag-uwi mula sa ibang bansa.
Mismong si Pangulong Digong pa ang humingi ng paumanhin sa sinapit ng OFW at nangakong magkakaroon ng agarang solusyon ang kanyang reklamo.
Nitong nakaraang Linggo nga ay agad natanggap ng pamunuan ng MIASCOR ang love letter ‘este termination letter galing kay MIAA GM Ed Monreal at ipinag-uutos na i-vacate ng nasabing kompanya ang lahat nilang opisina sa NAIA kasama rito ang pagkalas sa pinirmahang kontrata.
Sa ngayon ay 4,000 empleyado ng MIASCOR ang nagmamakaawa sa Presidente para bigyan ng konsiderasyon ang kanilang kompanya.
Pero dahil na rin sa sunod-sunod na kapalpakan ng pamamalakad ng MIASCOR sa kanilang mga tauhan, mas nakahihiya ang Filipinas kung magkakaroon pa ng mga biktimang kababayan lalo na kung mga dayuhan.
Marami na rin ang nakarating na mga sumbong sa atin mula sa mga foreigner na nawalan ng mahahalagang gamit sa kanilang mga bagahe.
Palibhasa ay mga temporary visitors lang o turista kaya karamihan sa kanila ay ipinagwawalang bahala na lang ang masamang karanasan sa kamay ng nga kawatan sa airport.
Sa dami naman ng mga kompanya na puwedeng mag-handle ng ganitong klaseng trabaho ng MIASCOR, hindi naman siguro malaking kawalan kung magbakasakali ang NAIA at iba pang airports na subukan ang mas matino at tapat na mga empleyado na hindi magmumula sa MIASCOR.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap