NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na isasadlak sa kulungan ang lahat ng kalaban ng pamahalaan kapag nagpasya siyang magdeklara ng revolutionary government.
Sa panayam kay Duterte sa PTV4 kagabi, sinabi ng Pangulo na kapag umigting ang mga hakbang ng destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon, hindi siya magdadalawang-isip na magtayo ng revolutionary government.
Uunahin ng Pangulo na hakutin sa bilangguan ang mga opisyal at kasapi ng oposisyon at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
“Full-scale war” ang iwawasiwas ng gobyerno laban sa kilusang komunista, giit ng Pangulo.
Para kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, “constitutional” ang pagdedeklara ng Pangulo ng revolutionary government upang masupil ang lahat ng uri ng pagsira sa bansa.
“Kung mayroong mga tangkang sirain ang bansa natin, ang Republika ng Filipinas, it becomes his constitutional duty na pigilin ito. At kung ang pagpigil ay sa pamamagitan ng pagdedeklara ng revolutionary government upang masupil mo ang lahat na uri ng pagsira sa ating bayan, then that is constitutional,” ani Panelo.
Gaya nang ginawa ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1986 matapos iluklok ng EDSA 1, alinsunod sa itinayo niyang revolutionary government, bubuwagin din ni Duterte ang Kongreso.
“Kapag nagdeklara ka kasi ng revolutionary government, ibig sabihin, iyong kapangyarihan ng isang Presidente ay hindi na lamang executive kung hindi pati legislative – combined powers na iyon,” ani Panelo.
Bukod sa leftist groups, inakusahan din ni Duterte ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika na nagpopondo ng media organizations at civil society groups para ibagsak ang kanyang gobyerno.
Isa sa tinukoy ng Pangulo ang online news site na rappler.com at Human Rights Watch na pinopondohan ng sinasabing CIA agent na si American-Hungarian billionaire George Soros.
ni ROSE NOVENARIO