Friday , November 15 2024
customs BOC

May integridad na mga tauhan kailangan ng BOC

HINDI ang pagbuwag sa Bureau of Customs (BoC) ang sagot sa problema sa korupsiyon ng nasabing kawanihan. Malaking kabulastugan ang rekomendasyong ito ng House of Re-presentatives committee on ways and means sa ilalim ni Quirino Rep. Dakila Cua.

Mas lalong maghihikahos ang mamamayan kapag binuwag ang BoC na isa sa mga pangunahing ahensiya na nangongolekta ng buwis para sa pamahalaan tulad ng lipos din sa katiwaliang Bureau of Internal Ravenue (BIR).

Naging mainit ang BoC sanhi ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa pamumuno ni dating commissioner Nick Faeldon  na dati pa namang kapitan ng Philippine Marines ngunit dapat bigyan ng pagkakataon ang bagong talagang si  dating heneral Isidro Lapeña na naging mabuti ang pamamalakad sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nangako si Lapeña na hindi siya lalamunin ng sistema ng BoC at magpapatupad siya ng one-strike policy laban sa corrupt officials ng kawanihan. Pero pinakamaganda sa mga pangako ni Lapeña ang maayos na pagpapatupad ng reward system sa BoC.

Sa puntong ito, bukod sa pagsala sa mga kasalukuyang opisyales na sumalaula sa BoC ay dapat italaga ni Lapeña ang katulad ng dating opisyal ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na si Jeffrey Patawaran na nagbulgar noong 2011 sa ‘naglahong’ halos 2,000 container vans mula Port of Manila patungong Port of Batangas.

Inimbestigahan ito ng Kongreso, humarap sa pagdinig si Patawaran na nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) para mabatid kung saan dinala ng isang alyas “Boy Valenzuela” ang 2,000 containers na iniulat na may lamang bigas pero hinihinala ring may epektos tulad ng shabu at shabu chemicals.

Ibinunyag ni Patawaran ang lahat pero tulad nang halos lahat ng imbestigasyon ng Kamara at Senado, pinalamig lamang ang isyu at hanggang ngayon ay malaking palaisipan pa rin kung saan napunta ang gayong karaming container vans. Naghimutok si Patawaran, nanganib ang kanyang buhay pero nangakong hindi titigil sa pagkilos laban sa mga corrupt official ng BoC.

Dapat din hanapin ni Lapeña kung sino ang mga tumulong sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at BIR para matuklasang huwad ang tax stamps na ginagamit ng Mighty Corporation sa mga produkto nito kaya nakakolekta ang gobyerno nang halos P30 bilyon mula sa nasabing kompanya.

May ulat na ilang piling tao ang kinuha ng dating miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na si alyas “Steve” na nagsiyasat sa pabrika ng Mighty Corp. sa Barangay Tikay, Malolos City, Bulacan noong panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III.

May nagpanggap pang mediamen sa mga ahente para lamang makakuha ng pekeng tax stamps sa National Printing Office (NPO) at Asian Productivity Organization (APO) Production Unit na may mga tanggapan sa Quezon City pero ang lahat ng pagsisikap ng grupo ni “Steve” ay napakinabangan ng kasalukuyang pamahalaan. Hindi nabigyan ng anomang reward ang mga taong nanganib ang buhay sa banta ng pangulo ng Mighty Corp., na isa ring dating heneral.

Maraming taong gobyerno na puwedeng makatulong kay Lapeña para mapatakbo nang maayos ang BoC pero hindi mapapansin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil walang mga padrino o ‘kapit.’ Kung makukuha para sa BoC ang mga taong may malasakit sa bayan tulad ni Patawaran at mga tao ni “Steve,” hindi kailangan buwagin kundi dapat palakasin ang nasabing kawanihan sa pagkuha ng mga propesyonal at may integridad na tauhan.

ABOT-SIPAT
ni Ariel Dim Borlongan

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *