EXCITED si Jao Mapa sa papel niya sa New Generation Heroes bilang may-ari ng talyer at may kariton na ang laman ay libro para turuan ang mga batang hindi kayang pumasok sa eskuwelahan dahil sa kakulangan ng gamit at pambayad.
Kuwento ni Jao, “It was based on the story of Efren Penaflorida, pushcart educator na nanalo sa ‘CNN’ noong 2009. Ganoon ang ginagawa ko sa movie, nagtuturo. Puwedeng maging teacher o magturo maski hindi nakatapos sa pag-aaral. ‘Yung character ko, nangungolekta ng mga libro at idino-donate ko sa mga bata na hindi afford ang edukasyon.”
Ang New Generation Heroes ay tribute sa mga guro para makita o mapanood ng lahat ang hirap ng pagiging maestra mula sa direksiyon ni Anthony Hernandez produced ng Golden Tiger Films na mapapanood na sa Oktubre 4 at may premiere night sa Setyembre 29 sa SM Megamall.
Samantala, bukod sa pelikulang ito ay isa pang masayang ibinalita ng aktor na nakasama na siya sa Angono Artist Group na magkakaroon ng exhibit.
“Napasama ako kaya tuwang-tuwa ako kasi ang gagaling ng mga kasama ko at mga pamangkin sila ng mga kilalang painter at national artist pa tulad ni Botong Francisco.
“The first one na sinalihan kong exhibit was in Fisher Mall at may mga painting kami roon, mga sampu kami roon. Magandang exposure ‘yun,” kuwento ni Jao.
At noong Lunes, Setyembre 25 ay sa DOJ (Department of Justice) ay mayroong exhibit si Jao at grupo nito hanggang sa bukas, Biyernes.
“The last time na nag-exhibit ako kasama mga artista like sina Baron Geisler, Cris Villanueva, Lobangco sisters, it’s a cause for prisoners at bumili si Mayor Herbert Bautista isa-isa sa amin (exhibitors),” kuwento ni Jao.
Nabanggit din ng aktor na humingi rin siya ng tulong sa isang TV executive ng ABS-CBN na makapag-exhibit sila ng paintings ng grupo niya sa hallway ng ELJ Building.
“Grupo ng Angono artists at nagkaroon kami ng slot sa November this year,” saad ni Jao.
Acrylic ang medium ni Jao at ipinakita niya sa amin ang ilang samples ng paintings niya na at ang style niya, “I’m a figurative expressionist.”
Tinanong namin kung bakit hindi oil ang ginagamit niya na masasabing pinakamatibay at matagal ang buhay ng isang painting.
“Hindi na kasi friendly sa kids ang oil, ‘yung linseed oil unless gumamit ako ng water based oil pero hindi ko pa nagawa ‘yun. At saka ang acrylic mabilis matuyo unlike oil, matagal. Tumatagal din naman ang acrylic like 10-15 years or more. I have a painting since I was in college pa so like 20 years na,” katwiran ni Jao.
Umaabot ng P18,000 to P40,000 plus ang bawat painting ni Jao, depende sa laki nito.
Aminado rin si Jao na hindi siya laging nakakabenta ng artworks niya kaya ang bread and butter pa rin niya ang pag-aartista.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan