KAUGNAY sa Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte, inumpisahan na ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang pagpapaigting sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar lalo sa loob ng Caloocan City Hall.
Sa flag raising ceremony, sinabi ni Mayor Oscar Malapitan, isang smoker sa loob ng mahabang panahon, maging siya ay hindi na maninigarilyo kapag nasa mga pampublikong lugar, na dapat sundin din ng ibang opisyal at mga empleyado.
Binuo ni Malapitan ang Mayor’s Action Force, sa pangunguna ni retired Colonel Realito Esperida, na nagpakalat ng mga tauhan sa mga matatao at pampublikong lugar, na sumisita sa mga nakikita nilang mga naninigarilyo simula pa nitong 1 Agosto. Wala pang datos ang pamahalaang lungsod sa bilang ng kanilang mga nadadakip at napamulta dahil ‘reprimand’ o pagpapaalala ang ginagawa ng kanilang ‘enforcers’ sa mga naaaktohang naninigarilyo.
Sa Valenzuela City, sinabi ni Public Information Office head, Zyan Caina, ire-reactivate ni Mayor Rex Gatchalian ang kanilang Task Force laban sa paninigarilyo na ibabase nila sa isinasaad ng kanilang anti-smoking ordinance at EO 26 ng Pangulo.
Una nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority – Health, Public Safety and Environmental Protection Office head, Dr. Loida Alzona, handa silang magbigay ng tulong teknikal at pagsasanay sa enforcers ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng anti-smoking.
Sinabi niya, kasama sa EO 26 ang pagbuo ng mga grupo na magpapatupad ng smoking ban sa mga barangay kaya magiging kargo ng mga barangay chairman ang pagpapatupad ng kautusan upang mas maging matagumpay ang implementasyon nito. (JUN DAVID)