Sunday , December 22 2024

Dapat tulungan ni Dela Rosa si alyas “Kidlat”

NAUNANG nakarma si dating Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) chief Senior Superintendent Albert Ferro sa kanilang pagpapabaya sa “asset” ng pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga na si Benjie Palong Dida-agun, alyas “Kidlat,” na nagpakahirap para matigil ang operasyon ng isang 50-meter Chinese fishing vessel na nagsilbing “floating shabu laboratory” sa Subic, Zambales noong 11 Hulyo 2016.

Sa barkong ito hinihinalang nagmula ang 180 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P900 milyon sa abandonadong farm sa Claveria, Cagayan at ang barko ay sinasabing madalas dumaong sa pier ng numero unong drug lord ng Zambales bago napatigil ng grupo ni Kidlat.

Matapos i-frame up ng mga pulis ng Cental Luzon Police para maging wanted sa batas, umuwi na sa Mindanao si Dida-agun kasama ang kanyang pamilya at tumigil na sa pagiging “private eye” matapos makainitan ng mga pulis na nakikipagsabwatan sa narco-politicians na wala sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte pero may kontrol sa bentahan ng shabu hindi lamang sa Central Luzon kundi pati sa Ilocos Region at Cagayan Valley.

Unang nagalit kay Kidlat ang mga pulis ng San Antonio, Zambales nang itimbre niya at ipakompiska ang shabu na nagkakahalaga ng P5.4 milyon sa Brgy. Pundaquit sa nasabing bayan.

Sa impormasyon na nakuha ni Dida-agun sa mga kababayang Muslim sa Zambales, nakakompiska ang mga miyembro ng Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force (AIDSOTF) ng Philippine National Police (PNP) sa Borongan, Eastern Samar ng 33 kilo ng cocaine na nasa pormang bricks at nagkakahalaga ng P165 milyon sa street market.

Noon ngang 25 Abril 2014, tinangkang imasaker si Dida-agun, ang kanyang asawang si Jocelyn at dalawang batang anak ng 31 miyembro ng pulisya ng San Antonio at Castillejos habang lulan ng kanilang Kia Pride sa Govic Highway, Brgy. Mangan-Vaca, Subic.

Natadtad ng tama ng bala ang sasakyan pero himalang nakaligtas ang pamilya ni Dida-agun sa ginawa ng mga pulis na utak-kriminal. Naghabla sina Dida-agun at asawa niyang si Jocelyn sa Office of the Ombudsman sa Quezon City at National Police Commission (Napolcom) sa San Fernando City, Pampanga pero hanggang ngayon, wala pa ring aksiyon ang kinauukulan sa mga kaso.

Matapos si Ferro, nakarma na rin si ex-Marine colonel Neil Anthony Estrella na nagbitiw na bilang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) chief ng Bureau of Customs (BoC) makaraang masangkot sa maanomalyang P6.4 bilyong shabu mula sa China na natagpuan sa dalawang bodega sa Valenzuela City. Malaking kahihiyan ang inabot ni Estrella, “Star” sa mga kaibigang reporter na madalas mag-orbit sa BoC kaya malungkot siyang nag-resign sanhi ng delikadesa kuno.

Nag-text nga ang kasamang pulis ni Kidlat na apat na araw nag-surveillance sa floating shabu lab sa Subic: “Oo nga po Sir, mabilis ang karma, digital na now!”

Si Dida-agun mismo ang sumabotahe sa barkong pangisda para hindi ito makatakas kaya naunang pumanhik ang mga tauhan nina Ferro at Estrella. Nagtaka maging ang kapitan ng barko na isa ring taga-Zambales kung paano ‘naglaho’ roon ang tatlong duffel bag ng pera na nagkakahalagang milyon-milyong piso, mahahabang armas at 46 karton ng shabu na tinatayang mahigit dalawang tonelada.

Kaya nang dumating si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa floating shabu lab sa Subic ay apat na Chinese chemist at kalahating kilo ng shabu na lamang ang naipresenta nina Ferro at Estrella.

Dapat din pagtakhan kung bakit itinago nina Ferro at Estrella si Dida-agun at ang tatlo pang asset sa Mango Valley Hotel sa loob ng Subic Bay Freeport Zone at hindi inipresenta kay Dela Rosa gayong malaki ang naitulong sa operasyon. Hindi nga nalaman ng mga mamamahayag sa Zambales na may mahalagang naitulong ang apat na asset para mapigilan ang operasyon ng floating shabu lab sa Subic. Naging bida sina Ferro at Estrella sa pagkahuli sa floating shabu lab sa Subic at “charge to experience” ang sinabi nila sa pobreng si Dida-agun at sa mga kasama.

Pero ngayong may mga kasong haharapin si Estrella sa hinihinalang ‘kupitan’ sa P6.4-B shabu sa Valenzuela, luminaw kaya ang kupitan sa Subic shabu lab at matulungan kaya ni Dela Rosa ang mahalagang asset sa drug war na si alyas Kidlat?

(KUNG gustong tumugon o nais magsumbong, mag-email lamang sa [email protected] at mag-text o tumawag sa 09474326230).

ABOT-SIPAT – Ariel Dim Borlongan

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *