NAGSALITA na ang taongbayan, at suportado nila ang martial law na idineklara ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa buong kapuluan ng Mindanao.
Ito ay base sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Hunyo 23 hanggang 26.
Ang resulta ng survey ay nangangahulugan na tiwala ang mamamayan sa ginagawa ni Duterte, taliwas na taliwas sa ipinararating ng kanyang mga kritiko na labis ang ginawang pagkontra sa deklarasyong ito ng pangulo na kanyang ginawa para masawata ang terorismo na inilunsad ng Maute group sa Mindanao, partikular sa Marawi City.
Hindi lang ang pagsang-ayon ng taongbayan ang nagpapatunay na tama ang tinatahak na direksiyon ng Duterte administrasyon sa paglaban sa terorismo, kundi higit pa rito ang ginawang pagsang-ayon ng Korte Suprema sa desisyon ng pangulo na martial law ang tugon sa problema sa Marawi City.
Nangangahulugan butata talaga ang mga taga- oposisyon at kritiko ni Duterte na walang ginawa kundi ang kumontra sa mga programa ng kanyang administrasyon.
At lalo pa sigurong naging sampal sa kanila nang suportahan nang marami ang isinusulong na extension ng martial law sa Mindanao para tuluyang masolusyonan ang malalang problema ng terorismo.
Matatauhan na kaya ang mga taga-kontra sa kung ano ba talaga ang tunay na boses ng mamamayan?
Maaaring hindi, dahil ang nais nila ay kumontra nang kumontra lang.
Hindi na nila kayang makinig sa mga katuwiran kahit sabihin na walang ilegal at hindi unconstitutional ang hakbang na ginawa ni Duterte dahil ang mga mahistrado na ng Korte Suprema ang nagsalita!