PINAYOHAN ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga mag-aaral na piliin nang wasto ang kuku-ning kurso upang maiwasan ang job mismatch kapag nagtapos na sa kanilang pag-aaral.
Ayon kay TESDA Director General Guiling Mamondiong, napakahalaga na mapag-isipang mabuti ng mga mag-aaral kung ano ang kanilang kukuning kurso upang makakuha agad sila ng trabaho sa kanilang pagtatapos.
Dahil dito, ipinayo ng kalihim sa mga gustong mag-enroll sa TESDA na piliing mabuti ang kanilang kukuning skills training upang ma-ging angkop sa kanilang tinapos ang kanilang magiging hanapbuhay.
Base sa talaan ng TESDA, kabilang sa limang industry sectors na mas kinakailangan ngayon sa bansa ay agribusiness, construction, information technology, health and wellness at hotel, restaurant and tourism.
Ilan sa mga halimbawa ng training programs na nakapaloob sa agribusiness ay agriculture production at horticulture.
Habang nakapaloob sa construction ang carpentry, masonry, at heavy equipment operation, at sa information technology ay visual graphic design, 2D/3D animation at contact center services.
Kabilang sa nakapaloob sa health and wellness ang massage therapy, caregiving at beauty care habang sa hotel, restaurant and tourism ay training programs tulad ng housekeeping, barista, bartending and cookery at iba pa.
Aniya, kabilang sa top 10 course sa TESDA noong nakalipas na taon ang Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC II; Cookery NC II; Food and Beverage Services NC II; Bread and Pastry Production NC II; Housekeeping NC II; Electrical Installation and Maintenance NC II; Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC I; Compu-ter System Servicing NC II; Bookkeeping NC III at Contact Center Servi-ces NC II.
(JUN DAVID)