MAGTATALAGA ang Palasyo ng bagong Maranao spokesperson upang sagutin ang mga isyu kaugnay sa mga opensiba ng pamahalaan laban sa Maute terror group sa Marawi City.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, ang hakbang ay kaugnay sa inilunsad na “Mindanao Hour” Communications Center sa Davao City, na magsisilbing pa-ngunahing source ng tumpak at maasahang impormasyon hinggil sa Mindanao na isinailalim sa batas militar ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“In this time of crisis, it is strategically wise for us to expand our communications language from national to regional in order yo avoid marginalizing those who are mostly affected by the declaration of martial law in Mindanao,” ani Andanar.
Lahat aniya ng impormasyon mula sa lugar na may mga armadong tunggalian ay ihahayag sa Mindanao Hour Communications Center at sa Malacañang para sa regular press briefings sa Maynila at Davao.
Ang Mindanao Hour Communication Center sa Davao ay pangungunahan ni Andanar, habang ang Iligan Mindanao Hour Communications Center ay pangungunahan ni Philippine Information Agency (PIA) Director general Harold Clavite.
Matutunghayan ng “live” sa website at Facebook page ng PCOO at attached agencies PIA, PTV4, Philippine Broadcasting Service (PBS), Philippine News Agency (PNA), at Radio TV Malacañang (RTVM) ang Mindanao Hour Daily Briefings.
Puwede ring makita ang online updates sa Mindanao Hour Microsite ng PIA at Mindanao Hour Facebook, Twitter at Instagram accounts. (ROSE NOVENARIO)