MAHIGIT isang taon mula nang maluklok sa Palasyo, ibabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang programa sa telebisyon upang direktang maiparating sa publiko ang mga polisiya at programa ng kanyang administrasyon.
Kinompirma ni Communications Secretary Martin Andanar, ipalalabas sa susunod na linggo sa government-controlled PTV-4 ang bagong TV show ni Pangulong Duterte na “Mula sa Masa Para sa Masa” kasama ang seasoned TV journalist na si Rocky Ignacio.
“No exact date yet. But will be airing very soon. We will announce Friday or Saturday,” ani Andanar.
Layunin aniya ng palatuntunan na maihatid nang direkta ng Pangulo ang kanyang mensahe sa masa gaya nang nakagawian niya noong alkade pa ng Davao City sa programang “Gikan sa masa, para sa masa” sa radio at telebisyon sa lungsod.
“The aim is to communicate the policies of the Duterte Administration to the masses. Straight from the President himself,” sabi ni Andanar.
On the spot na tinutugunan ni noo’y Mayor Duterte ang mga hinaing ng Davaeños.
Unang inianunsiyo ni Duterte ang TV program nang manalo sa 2016 presidential derby.
(ROSE NOVENARIO)