SA halos dalawang dekadang pag-ere ng Wansapanataym sa telebisyon, marami na itong mga aral na naibahagi na tumatak sa puso ng manonood sa mga nagdaang taon.
Saksi rito ang business unit head ng palabas na si Rondel Lindayag, na nagkaroon ng pagkakataong makilala at makausap ang ilan sa mga tagahanga ng palabas.
“Kapag pumupunta kaming award ceremonies, maraming estudyanteng lumalapit sa akin at nagbabahagi ng mga alaala nila tungkol sa ‘Wansa.’ Napansin ko na laging mayroong isang episode na nagmarka at hindi nila malimutan,” sabi ni Rondel.
Sa kabila naman ng pagbabago ng panahon at teknolohiya, nananatili ang pagsuporta ng mga manonood dahil patuloy pa ring pinagmumulan ng aral at inspirasyon ang Wansapanataym, ayon kay Rondel.
“Sumasabay kami sa pagbabago ng teknolohiya, pero pareho pa rin ang kuwento at kung paano ang pagkukuwento namin. Iyon pa rin ang mga aral na ibinabahagi ng Wansa, pero sumasabay lang sa uso. Ngayon hit ang love teams dahil siguro naiintindihan ng manonood iyong higpit ng magulang, pati na rin ang pakiramdam ng unang pag-ibig,” pagbabahagi pa ni Rondel.
Love team nina Judy Ann Santos at Rico Yan ang bumida sa pinakaunang episode ng Wansapanatym noong 1997 na pinamagatang Mahiwagang Palasyo. Ipinakita nitong hindi hadlang ang pagkakaiba para sa mga taong nagmamahalan.
Tumatak din ang episodes nitong Kapirasong Langit na nagbigay-aral tungkol sa pag-ibig at pagtanggap ng kamalian, Bessy Basura na tumalakay naman sa tamang pagtatapon ng basura, at Mahiwagang Paru-Paro na nagpakita naman ng wagas na pagmamahal ng magulang para sa anak.
Samantala, patuloy naman ang mahika at mga kuwentong puno ng aral sa kuwentong hatid ng Wansapanataym Presents: Annika Pintasera, na pinagbibidahan ni Julia Montes. Ibinabahagi nito ang kuwento ni Annika (Julia Montes), isang dalaga na mahilig mamintas at isinumpang mapunta sa loob ng isang painting at maliligtas lamang ng halik ng tunay na pag-ibig.
Panoorin ang mga kuwentong kapupulutan ng aral at inspirasyon sa Wansapanataym Presents: Annika Pintasera, tuwing Linggo pagkatapos ng The Voice Teens sa ABS-CBN.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio