MAPAPANOOD na ang dalawa sa pinakamalaking Koreanovela noong 2016, ang Legend of the Blue Sea at Goblin simula sa Lunes (May 8) sa ABS-CBN tampok ang dalawa sa pinakamainit at pinakasikat na Asian superstars ngayon na sina Lee Min Ho at Gong Yoo.
“Ito ay isang kaabang-abang na TV event hindi lamang para sa Koreanovela fans kung hindi para sa lahat ng Kapamilya viewers dahil ito ay dalawa sa pinakamalaking Korean productions na talaga namang pinanood at tinangkilik sa iba’t ibang panig ng Asya,” ani Leng Raymundo, head ng ABS-CBN Integrated Acquisitions and International Sales and Distribution.
“Ang ‘Legend of the Blue Sea’ ay binubuo ng premyadong cast sa pangunguna ng international superstar na si Lee Min Ho, na noon pa man ay mahal na ng mga Pinoy, at si Jun Ji-Hyun, na siyang leading multimedia star sa Korea. Ang ‘Goblin’ naman ay dream fantasy series pinakamatagumpay na TV writer sa Korea na si Kim Eun Sook. Makukumpara sa Hollywood ang kalibre ng seryeng ito,” dagdag pa niya.
Mula sa casting, kuwento at production values, hindi bibiguin ng dalawang titulo ang mga manonood.
“Kaabang-abang talaga ang mga Korean drama na ito kaya naman sa lahat na nagpapaabot ng kanilang positive feedback sa amin mapa-email, tweet, Facebook message, tawag, at sa iba pang platforms, maraming salamat sa inyo,” sabi pa ni Raymundo.
Nagbabalik ang King of Asianovelas na si Lee Min Ho sa PH TV sa pinakamalaking Korean fantasy-romance drama na Legend of the Blue Sea. Katambal niya rito ang isa sa pinakamainit na leading lady sa Korea na si Jun Ji-Hyun at dahil sa kanyang pagganap sa serye kung kaya’t ginawaran siya ng Top Excellence Award sa 2016 SBS Drama Awards. Matatandaang, huling napanood ng mga Kapamilya si Lee Min Ho sa seryeng The Heirs noon pang 2014.
Sundan ang love story ng mortal na si Andrei (Lee Min Ho) at imortal na sirena na si Sheena (Jun Ji-Hyun). Gagawin ni Sheena ang lahat mahanap lang ang kasalukuyang katauhan ni Andrei para muling ipagpatuloy ang pag-iibigan nilang naunsyami sa kanilang nakaraang mga buhay.
Samantala, tuloy naman ang magic ng pag-ibig sa Primetime Bida sa pagsisimula ng groundbreaking Korean fantasy drama na Goblin na mapapanood sa unang pagkakataon bilang Kapamilya ang Train to Busan star na si Gong Yoo at nagbabalik-Kapamilya naman ang My Girl leading man na si Lee Dong Wook.
Kamakailan ay pinarangalan ang Goblin ng Grand Award sa ginanap na 53rd Baeksang Art Awards habang si Gong Yoo naman ang hinirang na Best Actorpara sa kanyang pagganap bilang Goblin.
Mapapanood dito ang kuwento ng matapang na heneral na si Kim Shin na sinumpa na mabuhay habambuhay bilang isang Goblin o tagapagtanggol ng mga kaluluwa. Makalipas ang higit 900 taon ay makikilala niya ang babaeng tatapos sa sumpa— si Erin ang tinaguriang Goblin’s bride. Mahuhulog ang kanyang loob sa dalaga at ibubuwis ang kanilang mga buhay sa ngalan ng pag-ibig.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio