NAKA-CHAT namin si Erik Santos at sobrang nagpapasalamat siya sa lahat ng tumulong sa promo ng show niya na ginanap sa The Theater Solaire Resort and Casino noong Biyernes na may titulong Erik Santos Sings The Greatest OPM Classics na produced ng Powerhouse 2 Lucky 7 KOI Productions dahil sold out at pinaplano uli ang repeat.
Humingi ng dispensa sa amin si Erik dahil nalimutan niya kaming padalhan ng complimentary tickets dahil sold-out nga.
Binati namin ang singer dahil certified concert director na siya dahil maganda ang feedback ng show.
“Oo nga ‘te eh. Sana nga magtuloy, ang sarap gawin. Medyo stressful lang at pressured pero ‘pag narinig mo na feedback ng mga tao nakakawalang pagod,” sabi ni Erik.
Dagdag pa, “Thank youuuu ate. Ang saya ‘te. Punompuno ang Solaire kagabi.”
At dahil si Erik din ang nagsulat ng script ng sariling show ay tinanong namin kung ano-ano na naman ang punchlines niya dahil kilala namin siyang maloko sa stage.
“Ha ha ha wala masyado. Kaunting punchline lang. Halos seryoso lahat kasi mayayaman ang crowd. Ha ha .Mas nag-focus ako sa content ng show. It was really a tribute to OPM and OPM icons,” pahayag ng binatang singer.
At dahil sobrang natuwa sa kanya ang Lucky 7 Koi producers ay baka magkaroon ng repeat, hahanapan lang ng schedule.
Bongga ka, sabi namin kay Erik.
FACT SHEET – Reggee Bonoan