TAHIMIK si Pangulong Rodrigo Duterte sa hirit na absolute pardon ng kapwa taga-Mindanao na si convicted child rapist at dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos.
Si Jalosjos ay kasama sa 36 convicts sa isinumiteng listahan ng Bureau of Pardons and Parole (BPP) na humihiling na gawaran sila ng absolute pardon ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella nakatakda sa Saligang Batas ang kapangyarihan ng Pangulo na magbigay ng “reprieves, commutations and pardons” ngunit bahala na ang Pangulo kung sino ang kursunada niyang bigyan nito.
“The Constitution authorizes the President to grant reprieves, commutations and pardons. The Board of Pardons and Parole (BPP) has included the name of former Representative Romeo Jalosjos seeking absolute pardon, but it is really up to the President to grant it,” aniya.
Matatandaan, si Jalosjos ay nakalaya noong 2009 dahil napagsilbihan na niya ang napababang sentensiya sa kasong statutory rape o panggagahasa sa 11-anyos na babae noong 1996.
Nagtangkang bumalik sa politika si Jalosjos noong 2013 ngunit idiniskuwalipika siya ng Commission on Elections (Comelec) dahil kasama sa parusa sa kanya ay perpetual disqualification from holding public office.
(ROSE NOVENARIO)