INARESTO ang isang Korean-American national, ng mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG), makaraan makompiskahan ng 140 piraso ng ecstacy sa buy-bust operation sa Pasay City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Jun No, alyas Justine, nasa hustong gulang.
Base sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng PNP, DEG at Special Enforcement Service, Philippine Drug Enforcement Agency (SES-PDEA), sa harapan ng Ro-yal Indian Curry House, sa Seaside Boulevard, MOA Complex, Pasay City, dakong 9:30 pm.
Ayon kay PNP, DEG acting director, S/Supt. Graciano Mijares, isa sa mga pulis ang nagpanggap na bibili ng party drugs mula sa suspek na kanyang ikinaaresto.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang 140 piraso ng ecstasy.
Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 (Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and Controlled Precursors and Essential Chemicals) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
(JAJA GARCIA)