POSIBLENG maganap ang ikalimang pagtatagpo ng mapait na magkaribal na sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez, ayon mismo sa Pambansang Kamao.
Inamin ni Pacquiao na hiniling niya sa Department of Tourism ang P3 bilyon upang tulungan siyang pondohan ang naturang laban na gaganapin mismo sa Filipinas.
Nauna nang sinabi ng DOT na kung prominente at ibang lebel ang makakalaban ni Pacquiao tulad ng kalibre ni Floyd Mayweather o ni Marquez ay maaasahan ni Pacman ang kanilang tulong.
Ngunit sa kadahilang malabong lumaban si Mayweather sa labas ng Las Vegas sa Estados Unidos, ay si Marquez ang napili ng Senador.
Sapol na aniya sa P2.5 hanggang P3 bilyon maging ang undercards, promotion at hotel accommodation para sa mga magiging bahagi ng laban.
Matatandaang huling nagsagupa ang dalawa noong 2012 na pinatulog ng Mehikano si Pacquiao sa 6th round upang tuldukan ang kanilang makasaysayang laban.
Sa apat nilang paghararap, dalawang beses nana-lo si Pacman, isang tabla at isang panalo kay Marquez kaya’t inaasahang uukit ng kasaysayan ang ikalimang laban bilang isa sa mga pinakamaaksiyon at mahigpit na serye sa boksing.
Posibleng ganapin ang laban sa dulo ng taon.
Bago ang nakatakdang laban ay haharapin muna ni Pacquaio ang undefeated Aussie na si Jeff Horn sa Abril.