Si Digong na po ang presidente! (Sa mga hindi pa rin maka-move on…)
Jerry Yap
October 13, 2016
Opinion
NGAYONG gentleman-like ang comment ni Pangulong Rodrigo Duterte sa aktres na si Ms. Agot Isidro, hindi pa rin siya tinatantanan ng upak ng mga taong hindi komporme sa pagkakahalal sa kanya ng 16 milyong Filipino bilang presidente ng bansa.
Sabi ng Pangulo: “May nagalit na isang artista sa akin, ano (d)aw ako, psychopath. I leave it to her constitutional right for free expression. She should just enjoy it.”
Inisip siguro ng mga ayaw kay Duterte, na after magkomento ni Ms. Agot, ‘e uusok ang ilong ng Pangulo.
Pero nabigo sila…
Kaya ang mga ilong nila ang umusok at hanggang ngayon, sila pa rin nagbububusa.
Mahirap talagang maging pangulo ng isang bansa.
Kung tutuusin, ang majority ng bumoto kay Pangulong Duterte ay ‘yung mga kababayan natin na nasa mababang strata ng lipunan.
Karamihan naman ng mga umuupak ‘e ‘yung mga elitistang parang sila lang ang magaling.
Pero hayaan na rin natin, kasi nga, sabi ng pangulo ‘e constitutional right ‘yang freedom of expression.
Pero hindi ba naiisip nitong mga anti-Duterte na halos apat na buwan pa lamang nakauupo ang Pangulo?!
‘E kung ‘yung PNoy administration, walang nagawa sa loob ng anim na taon. Nangako pang magpapasagasa sa tren kapag hindi natapos ‘yung proyekto.
Heto ngayon ang isang Pangulo na mayroong malinaw na pagkilala kung ano ang problema ng bansa na isa-isa niyang inireresolba pero ang daming kumokontra…
Pansinin ninyo ‘yung mga kumokontra, ni ‘yung sariling pamilya nila hindi maisaayos tapos ang lakas kumontra.
Hakhakhak!
Ayusin kaya muna ninyo ang mga problema ninyo sa pamilya bago kayo makipuna.
O ‘wag kayong magagalit. Bato, bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit!
Kapag ang politiko, nangako at hindi tinupad, nagagalit kayo.
Heto ngayon ang Pangulo na nangako na sa loob ng anim na buwan buburahin niya ang namamayagpag na ilegal na droga sa bansa, at tinu-tupad ang kanyang pangako, nagagalit pa rin kayo?!
Wattafak!?
Tinatamaan ba kayo ng anti-illegal drug campaign ni Duterte at ganyan na lang ang galit ninyo sa kanya?!
Tinatamaan ba kayo ng anti-corruption campaign ni Digong at parang gustong-gusto ninyong ibagsak agad si Duterte?!
Tuta ba kayo ng Kano kaya apektado kayo sa pahayag niyang puputulin niya ang Balikatan Exercises sa Mindanao at sa buong bansa?!
Nawala ba ang mga tara ninyo sa droga?!
Ang lakas ninyong manawagan ng peace & justice pero noong kayo ang nasa posisyon wala naman kayong nagawa.
Hindi na ninyo panahon, tanggapin ninyo ang katotohanan and please wait for your turn…
‘Yan naman ‘e kung makababalik pa kayo!
MAYOR ANTONIO HALILI NG TANAUAN,
BATANGAS NA-TOKHANG NG PNP
Sumikat si Tanauan Mayor Antonio Halili dahil sa kanyang “walk of shame.”
Ito ‘yung kampanya na lahat ng nahuhuling nagdodroga, nagtutulak, nagnanakaw at gumagawa ng iba pang krimen ay ipinaparada sa mga pangunahing kalye at plaza.
Karamihan nga sa mga na-walk of shame ay ‘yung mga sangkot sa droga.
Kaya naman nagulat tayo, kung bakit mismong si Mayor Halili ang na-Tokhang.
Ang paliwanag ni Yorme, mukhang tinatrabaho siya ng sindikato.
E PNP ang nag-Tokhang kay Mayor Halili, ibig sabihin ba niyan na sangkot sa sindikato ang PNP na nag-Tokhang sa kanya?!
Isang magaling na intelligence work ang kailangang mag-validate nito kay PNP chief, DG Ronaldo “Bato” Dela Rosa.
Sana ay mabigyang-linaw ito sa lalong madaling panahon at panagutin kung sino ang tunay na sangkot sa ilegal na droga.
Paging SILG Mike Sueno!
BOC-MICP SECTION CHIEF ALYAS DRACULA
NAMAMAYAGPAG NA MONEY-SUCKER!
Akala ng inyong lingkod ay ‘lusaw’ o naglahong bula na ang isang customs section chief na kung tawagin ay alyas Dracula ng Manila International Container Port (MICP).
Isang maling akala pala…
Noong panahon ni dating Customs Commissioner John Sevilla ay inirereklamo ang nasabing ‘maninipsip ng dugo ‘este kuwarta’ ng mga broker/importer.
Wala raw kasing pangalawa sa kawalanghiyaan at katakawan sa pera. Tara rito, tara roon ang ginagawa kaya umiiyak ang mga broker kapag dumaan ang kargamento sa kanyang section.
Ang estilo ngayon ni alyas Dracula, tatarahan ng additional tax ang isang kargamento kahit walang diperensiya, at kikikilan pa ng overtime pay para sa kanya na hindi bababa sa P10,000 bawat container van. Kung hindi susunod sa pangingikil niya ‘e tiyak puro delay ang aabutin ng kargamento.
Sonabagan!!!
BOC-MICP Collector Mel Pascual, mantakin ninyo kung gaano kalaking kuwarta ang napupunta sa bulsa ni alyas Dracula?!
May quota raw kasi na P200k kada araw dahil may malaking obligasyon daw siya sa ‘itaas’ (2ND FLOOR)?!
Commissioner Nicanor Faeldon, Sir, palagay natin ‘e kailangan ninyong tutukan si section chief alyas Dracula.
Panahon na para bunutin ang pangil n’yan, Sir!
REACTION SA AMNESTY
SA POLITICAL PRISONERS
MR. YAP, hindi po ba kalabisan naman ang pagpapalaya sa 400 political prisoners na halos lahat ay miyembro ng rebeldeng CPP-NPA-NDF?
Nakalulungkot isipin dahil karamihan sa kanila ay may kasong murder na ang mga biktima ay hindi lang tropa ng gobyerno kundi mga walang kalaban-laban na sibilyan. Ang sabi ng human rights group na Karapatan sa patuloy na pag-usad ng peace talks ay pinapaalalahanan ang gobyerno na sundin ang nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na pagpapalaya sa mga political prisoners. Kung nais bigyan ng hustisya ng NPA ang kanilang miyembro na nagkasala sa batas sa pamamagitan ng amnestiya ay tiyak na pagkadesmaya naman at kawalan ng katarungan sa mga naging biktima ng landmine, ambush, pangingikil at pag-recruit at paggamit sa mga kabataan ng NPA bilang human shield na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nilang ginagawa sa kabila ng pagkakaroon ng ceasefire sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Majority ng mga Pilipino ay pabor sa peace talk, sino nga ba ang aayaw ng mapayapang bansa? Ngunit sana sa pagkakaroon ng KAPAYAPAAN ay magkaroon rin ng hustisya ang nawalan ng karapatang pantao dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagluluksang pamilya na nawalan ng mahal sa buhay na siyang tunay na naging biktima ng karahasan na dulot ng armadong pakikibaka.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap