Sunday , December 22 2024

Problemado

si MatobatoNADAGDAGAN pa ang problema ni Edgar Matobato, ang nagpakilalang dating hitman ng kinatatakutang Davao Death Squad (DDS), na nagparatang na si President Duterte ang bumuo umano sa kanilang grupo at nag-uutos kung sino ang kanilang papatayin.

Tinortyur daw si Matobato at gustong paslangin ng mga kapwa miyembro ng DDS dahil plano niyang iwan ang grupo. Dahil sa mga pagbabanta ay nilisan daw niya ang Davao City.

Nagtungo siya sa Department of Justice (DOJ) noong 2014 at tinanggap sa Witness Protection Program (WPP). Pero nang maging klaro na si Duterte ang mananalong pangulo sa nakalipas na halalan ay iniwan ni Matobato ang WPP.

Tahasang sinabi ni Matobato na kahit patayin siya ay hindi na siya tatakbo. Kusang loob daw siyang nagpunta sa Senado sa paghahanap ng hustisya. Totoo raw ang kanyang sinasabi. Puwede raw siyang magpakamatay o magbigti, pero nasaan daw ang hustisya?

Pero sa paglutang ni Matobato ay nalantad din na ibinasura ng DOJ noong Hunyo 30, 2016, sa mismong araw ng inagurasyon ni Duterte bilang pangulo ng Filipinas, ang reklamong torture at arbitrary detention na dating isinampa ng hitman laban sa limang pulis ng Davao.

Nahulihan daw si Matobato ng baril na expired na ang lisensiya at 29 bala noong 2014 kaya naaayon sa batas ang kanyang pagkakaaresto.

Hindi rin napatunayan na na-torture ang hitman dahil walang palatandaan na nakita ang mga sumuring doktor sa sinasabi niyang nabaling buto sa kanyang dibdib.

Nadagdagan pa ang kanyang problema dahil kinasuhan si Matobato ng “frustrated murder” sa piskalya ng Digos City, bunga ng pagkakasangkot umano sa tangkang pagpatay sa isang retiradong regional agrarian reform adjudicator sa Davao noong 2014.

Sa paglitaw ni Matobato sa Senado at ipalabas sa TV ang pagdinig ay namukhaan siya ng nagrereklamo.

Ang puna nina Senators Alan Peter Cayetano at Manny Pacquiao ay may mga hindi tumugma sa una at pangalawang testimonya ni Matobato.

Bukod diyan, ang hinala ng iba ay pakawala si Matobato ni Senador Leila de Lima at isang “demolition job” ang kanyang pagsulpot sa Senado, bilang ganti sa paratang ng Pangulo na nag-uugnay sa senadora sa droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Totoo man o hindi ang mga pahayag ni Matobato ay mahirap itong balewalain. Lalo na’t inilantad ng Wikileaks ang confidential cable ni former US Ambassador to the Philippines Kristie Kenney tungkol sa pahayag ni dating CHR regional director Alberto Sipaco Jr., noong 2009, na alam ni Duterte ang mga pamamaslang at pinapayagan niya ito.

Ayon kay Sipaco, dating kaeskuwela ni Duterte sa San Beda, ay pinuntahan niya ang noon ay alkalde ng Davao City at pinakiusapan na tigilan ang ‘vigilante killings’ pero sinagot siya nito na hindi pa siya tapos.

Gayunman, ang katotohanan, karamihan ng mga mamamayan ay sumusuporta pa rin kay Duterte, at ituturing lang nilang mga paninira ang mga akusasyon na ilalabas laban sa Pangulo.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE – Robert B. Roque Jr.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *