ANAK ng OFW.
Ito ang iikutang istorya ng script nina Mae Rose Barrientos Balanay at Arah Jell Badayos sa idinireheng episode niFrasco Mortiz na mapapanood sa MMK (Maalaala Mo Kaya) sa Sabado, Setyembre 17 sa Kapamilya.
Magsasama-sama sa nasabing episode sina Aiko Melendez, Raine Salamante, Miles Ocampo, Abby Bautista, CX Navarro, Dominic Ochoa, Nikki Bagaporo, Pinky Amador, Gerald Madrid, Angelo Ilagan, Tom Olivar, at Raquel Montessa.
Lumaking sinasaktan ng kanyang pamilya si Amy (Aiko). Kaya nang maging ina siya, ipinangako nito sa sariling pangangalagaan niya ang kanyang magiging mga anak. Kaya ang sakripisyo niya ay ang magtrabaho sa ibang bansa bilang kasambahay sa Singapore. Pero nang magkaroon siya ng panibagong buhay doon, ang mga anak na naiwan niya sa Pilipinas ang nagtulong-tulong para buhayin ang kanilang mga sarili.
Lalo pang nalayo ang kanilang loob sa ina nang makatanggap na sila ng mga balitang gumanda na ang buhay nito sa ibang bansa samantalang naghihirap naman sila rito. Tiniis ng magkakapatid ang sakit na dinanas din nila sa mga kaanak.
Paano inintindi ng inang OFW ang naging tampo ng mga anak sa kanya at paano rin itong hinarap ng mga anak na inasahang ang paghihirap ng ina ang magiging daan para rin umalwan ang kanilang kalagayan?
Tuloy-tuloy pa rin sa paghataw ang longest drama anthology ng Asya na MMK, matapos niyang namnamin ang tagumpay ng Ang Babae’ng Humayo sa Venice na tinanggap ni director Lav Diaz ang Golden Lion Award (for Best Film), humayo naman sa Canada si Ms. Charo Santos Concio para makipagkita sa ating mga kababayan para sa #TFC KuwentuhangKapamilyaToronto na gaganapin sa Setyembre 17.
HARDTALK – Pilar Mateo