AN insider told us na mahigit P70 million raw ang ginastos ng Star Cinema sa latest movie nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na “Barcelona: A Love Untold,” na kumita ng P23M sa unang araw at patuloy na pinipilahan sa 250 cinemas nationwide.
Sa shooting pa lang ng KathNiel sa Barcelona, Spain ay gumastos na raw ang Star Cinema ng P1.5 million sa isang araw na shooting.
Inabot nang more than three weeks ang shoot ng nasabing hottest loveteam at may mga eksena rin na kinuhaan sa Metro kaya’t hindi imposible na umabot nang more than P70M ang pinakawalan para sa obrang ito ni Direk Olive Lamasan na sa sobrang ganda ng pagkakagawa ay kaliwa’t kanang papuri ang tinatanggap ng pelikula na sinasabing best film ng KathNiel sa taong ito.
At sobrang husay raw talaga ng acting nina Daniel at Kathryn sa Barcelona at swak na sa mature roles. Matindi rin ang kilig na hatid ng dalawa sa naturang movie na Rated PG o parental guidance ng MTRCB.
This is movie event of the year gyud!
Live finale ng “Born for You” sa Kia Theater, kasado na…
ELMO AT JANELLA MAPATUNAYAN PA KAYANG TOTOO ANG TADHANA?
Maging matibay pa rin kaya ang red string na nag-uugnay kina Sam (Janella Salvador) at Kevin (Elmo Magalona) o tuluyan na nga ba itong mapuputol?
Ito ang dapat abangan ng mga manonood ngayong mas dumarami na ang humahadlang sa kanilang pag-iibigan sa huling gabi ng Kapamilya primetime series na “Born for You.” Hindi na nga mapigilan ang gulo sa pagitan nina Marge (Ayen Munji-Laurel) at Cathy (Vina Morales) sa paghahanap ng huli ng hustisya para sa kamatayan ng kanyang asawa.
Dahil sa sakit na nadarama ng kanyang ina, mas pipiliin ni Sam na kalimutan na lang si Kevin at ipagpatuloy ang pagkanta at kanilang laban para sa katotohanan.
Sisikat si Sam sa tulong ni Mike Sebastian (Ariel Rivera). Hindi naman susuko si Kevin na ipakita ang kanyang wagas na pagmamahal para kay Sam at patutunayang sila ang itinadhana para sa isa’t isa. 4
Ngayong mas gumugulo ang kanilang mga buhay dahil sa sikreto ng nakaraan, paano pa maipaglalaban nina Sam at Kevin ang kanilang pagmamahalan? Paano maaayos ang daan upang magtagpo ang kanilang mga kapalaran? Lubos na tinutukan at kinakiligan ang kuwento ng pag-iibigan nina Sam at Kevin mula nang umere ito sa telebisyon.
Kinaantigan din ang serye dahil sa pagpapakita sa mga manononod na posibleng matupad ang mga pangarap basta’t samahan ito ng pagsisikap gaya ni Sam.
Sa kanila namang unang tambalan sa telebisyon, hindi matatawaran ang kilig na dala ng “ElNella” sa fans ng serye. Kinabiliban din sila sa kanilang talento sa pagkanta na kanilang ipinamalas sa mga eksena sa programa.
Patunay din nga sa tagumpay ng kanilang tambalan ang gabi-gabing pag-trend ng kanilang palabas sa Twitter, ang sold-out “red string” merchandise sa ABS-CBN store, at ang kanilang chart-topping hits sa ilang radio stations at popular music streaming app na Spotify.
Sa pagtatapos nito ngayong Biyernes (Sept 16), matutunghayan ng mga manonood ang pagwawakas ng kuwento ng pag-iibigan nina Sam at Kevin nang live mula sa Kia Theater.
Huwag palampasin ang mga sorpresang ihahandog nang buong cast ng “Born for You” na siguradong kagigiliwan ng lahat.
Sa ilalim ng direksyon nina Onat Diaz at Jon Villarin, ang serye na ito ay produce ng Dreamscape Television Entertainment, na nasa likod ng phenomenal hit dramas na “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Doble Kara,” at “Till I Met You.”
Huwag palampasin ang teleseryeng nagpapatunay na mayroong nakatadhanang tao para sa lahat, ang “Born for You,” gabi-gabi pagkatapos ng “Till I Met You” sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Puwede rin mapanood ang past episodes ng palabas sa iWanTV.com o sa sky- ondemand.com.ph para sa Sky subscribers.
ALDUB LIBRARY MAKIKITA SA BUONG BANSA
Tuloy-tuloy ang pagpapagawa ng Eat Bulaga ng ALDUB LIBRARY para sa mga public school sa Luzon, Visayas at Mindanao, matapos maipatayo ang library sa mga eskuwelahan sa Laguna, Capiz, Camarines Sur, Pangasinan, Davao City at iba pang lugar.
Kamakailan lang ay binuksan naman ang bagong-bagong AlDub Library sa Taptap Integrated School sa Taptap, Cebu City na may mga bagong set ng computer, libro, mesa, upuan at malaking Flat TV screen na mapapanooran ng mga batang mag-aaral para magkaroon ng mas malawak na kaalaman. Matatandaang ang proyektong ito ay inilunsad sa Tamang Panahon concert ng phenomenal loveteam na sina Alden Richards at Maine Mendoza na ginanap sa Philippine Arena noong Oktubre 2015.
‘Yung kinita ng tickets sa special event ng AlDub at kawanggawa ng Bulaga ang ginamit na pondo para sa nasabing proyekto na nakapagpatayo ng walong magaganda at maayos na Library.
CALLE SIETE NG TAPE INCORPORATED
PATULOY ANG PAGTAAS NG RATINGS
Para sa buong pamilya ang family comedy-drama series na “Calle Siete” ng Tape Incorporated na mapapanood Lunes hanggang Biyernes tuwing 11:30 ng umaga bago mag Eat Bulaga sa GMA-7. Bumibida rito sina Ryzza Mae Dizon, Eula Valdez, Christian Vasquez, Patricia Tumulak, Rubi Lucky Mercado at ang kinagigiliwang tambalan nina Kenneth Medrano at Taki Saito at Lovely Abella at Bryan Benedict na tinatawag ngayong Caleb Bonnie loveteam. At wow dahil sa sobrang lakas ng feedback sa nasabing loveteams ay mukhang kinakabog ang hindi na fresh na tambalan ng katapat na show kaya naman patuloy ang pagtaas ng ratings ng Calle Siete partikular sa Metro o AGB Nielsen Mega Manila Ratings.
Si Monti Parungan ang director ng toprating morning show.
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma