LOLA getz! Maka-get over kaya? Dahil magtatapos na ang sinusubaybayang lovestory ng red strings nina Sam at Kevin (Janella Salvador at Elmo Magalona) sa Born for You ng ABS-CBN next week, isa sa mukhang magkakaroon ng sepanx (separation anxiety) sa cast ay ang gumaganap na lola ni Sam na si Ms. Gina Pareno.
Nakausap namin ito sa set ng nasabing teleserye.
“Mami-miss ko ang kabaitan niyong dalawang bagets. At saka ang mga kulitan din ng cast.
“Mababait at masunurin na mga artista sila. Lalo na si Elmo.
“Gusto ko pa talagang umarte. Kaya nga noong malaman ko na ilang taping days na lang pala kami, tumawag ako kay Coco (Martin). Sabi ko, ‘Anak, paano na ba ito? Matatapos na pala kami sa ‘Born for You’. Sabi ko baka puwedeng i-guest niya ako uli sa ‘Ang Probinsyano’. Tawa ng tawa noong balikan ako. Sabi niya, Ma, pinatay ka na sa istorya. Sabi ko naman hindi naman nakita na ipinalibing ako. Baka naman puwede pang makagawa ng paraan na mabalik ang karakter ko. Hahahaha!”
Ayon pa sa premyadong aktres, talaga raw mahirap na sa kanya ang natitigil sa pag-e-emote sa harap ng kamera.
“Mula kasi nang mabago na ang attitude ko nang makabalik uli ako sa pag-arte, talagang minamahal ko na nang mabuti ito. Eh, kilala mo ang pagiging rebelde ko noong araw, hindi ba? Wala akong katapat sa panahong ito. Minsan na akong kinatok ng Panginoon. Kaya naman ngayong nabigyan ako ng isa pang pagkakataon, naku, pati ang anak kong si Raquel, binabantayan na ako pagdating sa pagiging on time ko sa set. At isang ikinataba ng puso ko, nang tatakan ako ng mga tao kahit saan ako mapunta ng tawag na “Lola Getz”. Kaya ang wish ko pa rin eh, makasama pa rin sa trabaho si Coco.”
Kaabang-abang ang magiging ending ng nasabing palabas ng Dreamscape Television Entertainment. Dahil live itong magaganap sa KIA Theater sa Biyernes, Setyembre 17. Makakapiling in the flesh ng kanilang mga tagahanga at tagasubaybay ng Born for You ang mga katauhan nina Sam at Kevin, sampu ng kanilang mga pamilya at doon masasaksihan kung saan matutuldukan ang pinagtagpo ng kapalaran sa Japan at kung totoo bang nakakabit na sa mga palad nila ang kanilang red strings!
Kaya samahan ang tropa. Makisaya. Maki-iyak. Makiramdam!
HARDTALK – Pilar Mateo