HINDI napigilang maluha ni Yeng Constantino matapos mapanood ang maigsing pagpapakita ng mga magaganap sa musical play na Ako Si Josephine na nagtatampok sa mga kanta niya.
Isang musical play ang naisip gawin nina Yeng at ng kanyang manager na si Erickson Raymundo ng Cornestone Entertainment bilang pagdiriwang ng ika-10 taon ng Pop Rock Superstar sa industriyang ito.
“The moment I saw it, hindi ko napigilang maiyak,” ani Yeng. ”This is more of Erickson, my manager’s, dream and I thanked him na mas marami siyang pinangarap for me.
“Napakasuwerte ko na napunta ako sa isang manager na mayroong vision na ganito. Na mas malayo ‘yung gusto niyang mangyari sa career ko,” giit pa ni Yeng.
Naiiba nga ang pagdiriwang ng ika-10 taon ni Yeng sa industriya. Kung ang iba ay sa pamamagitan ng isang concert o pagre-release ng isang special edition ng album, hindi ganoon si Yeng dahil isa siyang songwriter na marami nang track record na nagta-top sa chart ang mga kanta. Kaya naman maganda ang naisip ng Cornerstone kasama ang ABS-CBN Events at Philippine Educational Theater Association (PETA) na bigyan ng ibang areglo ang mga awitin ni Yeng at gawing isang musical play.
Nakilala si Yeng sa pamamagitan ng Pinoy Dream Academy season one taong 2006, na nagsusulat na ng kanyang sariling awiting. At ang isang tulad niyang isang unique artist nararapat lamang na bigyan din siya ng kakaibang pagpapahalaga.
Dahil sa tagumpay ng Rak of Aegis ng PETA naisip ni Erickson angAko Si Josephine – A Musical Featuring the Music of Yeng Constantino.
Ang Ako Si Josephine ay isinulat ni Liza Magtoto at ididirehe ni Maribel Legarda at magtatapok sa musical direction ni Myke Salomon. Maririnig sa play na ito ang mga single at ibang selection ni Yeng na mula sa kanyang buong catalog. Ayon nga sa mga insider, sa arrangement na lamang, tiyak na maeengganyo na para panoorin ito.
Tiwala naman si Yeng na nasa mabuting kamay ang kanyang mga kanta kaya nga ganoon na lamang ang kanyang excitement na maipalabas ito at mapanood ng karamihan. ”Fan din ako ng Aegis, so hopefully kung ano ‘yung narating ng ‘Rak of Aegis’ ay marating din nitong ‘Ako Si Josephine’. Sobrang funny at cute talaga ng story niya kaya excited na ako na maipalabas siya,” sambit pa ni Yeng.
Ani Yeng, hindi siya ganoon kasiguro na gawing musical ang kanyang mga awitin dahil hindi siya naniniwala na nararapat siyang bigyan ng pagpapahalaga.
“Noong una, siyempre napaisip ako kung ganoon na ba karami ‘yung mga kantang nasulat ko para gamitin sa isang musical. Napaisip din ako kung ganoon na ba ako ka-influential na songwriter para bigyan ng ganitong honor.”
At para mawala ang agam-agam na ito, sinandalan niya ang kanyang pamilya at mga kaibigan. ”Kung mayroon mga ganoong tanong sa utak ko, may mga tao rin na naniniwala at nagmamahal sa akin. ‘Pag mayroon kang ganoon (pamilya), nagiging mas madali to believe in yourself. So sinabi ko, ‘Kung ‘yun po ang nakikita niyo na dapat gawin, at sa tingin niyong akma naman sa akin, sige, tatanggapin ko na po. Kasi biyaya naman ‘yun, at ayoko namang i-dismiss lang ng basta-basta. Ayokong i-shoo away ‘yung ibinibigay ni God.”
Sinabi pa ni Yeng na, ”Alam ko naman kung ano ‘yung strength ko, isa akong songwriter, so may ibang aspeto niyong musical na ipinagkatiwala ko na sa mga tao na ‘yun ang expertise nila,” dagdag pang sambit ni Yeng.
Ang Ako Si Josephine – A Musical Featuring the Music of Yeng Constantino ay naka-set sa pamamagitan ng music empire na hindi pinapayagan ang mga love song. Subalit nang si Josephine, isang top composer ay na-in love sa kanyang boss na si Chinito (gayundin naman ito), hindi nila napigilan ang pagpapahayag ng kani-kanilang damdamin sa pamamagitan ng musika. Roon nila gustong iparinig ang lahat ng mga isinulat nilang kanta, ngunit ang tanging pinapayagan lamang ng empire’s despotic ruler na si Monotomia ay ang mga HYP o Happy, Youthful, Purposeful music para iparinig sa kanilang lugar.
Ipaglalaban ng Ako Si Josephine ang journey niya para sa kanyang karapatan na mai-share ang musika ng kanyang puso para sa mga minamahal. Gagampanan ni Via Antonio,stage actress at YouTuber at alaga rin ng Cornerstone ang papel ni Josephine na mismong si Yeng ang pumili nang mag-audition ito. Kasama rin dito ang isa pang magaling na theater actor, si Maronne Cruz naka-alternate ni Via bilang Josephine,Joaquin Valdez bilang si Chinito at sina Jon Santos at Ricci Chan bilang Monotomia.
Mapapanood na ang Ako Si Josephine simula September 8 hanggang October 9 sa PETA Theater Center sa New Manila’s Sunnyside Drive. Mabibili ang ticket sa Ticketworld, tumawag lamang sa 891-9999 o bisitahin ang www.ticketworld.com.ph.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio